Dumadaan ang sambayanang Pilipino sa krusyal na sangandaan sa neokolonyal na kasaysayan ng bansa. Lahat ng natitirang palamuti ng kasarinlan ngayon ay buo-buo at marahas na binabaklas. Ito ay sa harap ng plano ng malalaking kapitalistang Amerikano at Hapon na bungkalin at patagin ang malalawak na bundok at kalupaan para angkinin ang yaman ng Pilipinas. Nasa balikat ng kasalukuyang salinlahi ng sambayanang Pilipino ang pangkasaysayang tungkuling ipagtanggol ang pamanang lupa at yaman ng bansa, tungo sa pagwawakas ng pambansang pang-aapi sa ilalim ng paghahari ng imperyalismong US.

Nais dalhin ng rehimeng US-Marcos ang Pilipinas sa bagong antas ng dayuhang pandarambong. Maihahalintulad ito sa panahon ng kolonyal na paghahari ng US noong unang bahagi ng siglo 20, nang dumanas ang bansa nang walang rendang pagsalanta. Kinamkam ng mga kumpanyang Amerikano ang yaman ng bansa, kinalbo ang mga bundok, inagaw at hinawan ang milyun-milyong ektaryang lupa, inilatag ang mga riles at itinayo ang mga daungan para mabilis na ibiyahe at iluwas ang troso, pinya, asukal at iba pang produkto ng bansa.

Katulad na kalagayan ang nagbabanta sa bansa sa harap ng inilabas na Executive Order 122 ni Marcos para sa ibayong liberalisasyon ng pagmimina. Ang kautusang ito ay tahasang pambansang pagtataksil. Layunin nitong alisin ang lahat ng regulasyon sa pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, upang pabilisin at padaliin ang proseso para sa pagpasok ng mapangwasak at mapandambong nitong operasyon. Yuyurakan ng kautusan ang karapatan ng mga katutubong mamamayan sa kanilang lupang ninuno, at ang karapatan ng sambayanan sa lupa at yaman ng bansa.

Bibigyang-daan ng kautusan ang pagpapahigpit ng dayuhang pang-ekonomya at pampulitikang kontrol sa bansa. Tumindig at pumalakpak ang mga dayuhang kumpanya, laluna ang malalaking kapitalistang Amerikano at Hapon, na laway na laway sa mga yamang mineral na nakabaon sa lupa ng Pilipinas.

Alinsunod ang kautusan ni Marcos sa Pax Silica, na iskemang pang-ekonomya at pangmilitar ng imperyalismong US. Layunin ng US na agawin o ipagkait sa China ang pinagkukunan at pagpoproseso ng “critical minerals” at “rare earth elements”—mga hilaw na materyales sa produksyon ng mga semikonduktor, baterya at iba pang pyesang elektroniko para sa “artificial intelligence” at mga sandatang pandigma. Ang dominasyon ng China sa mga rekursong ito ay itinuturing ng imperyalismong US na banta sa kanyang seguridad.

Agresibo ngayong ginagamit ng US ang kapangyarihang militar nito sa iba’t ibang panig ng mundo. Nais ng imperyalismong US na balyahin ang China na karibal nito sa pagkontrol ng yamang mineral sa Pilipinas. Matapos makipagkutsabahan sa malalaking kapitalistang Chinese sa pagtulak ng mga patakarang neoliberal sa Pilipinas noong 1990-2000 na sumalanta sa ekonomya at kabuhayan ng bansa, nais ngayon ng imperyalismong US na sarilihin ang Pilipinas at itaboy ang China. Ang agresyong ito ng US sa larangan ng ekonomya ay nakikita rin sa larangang militar, sa tuluy-tuloy na pagpapalakas ng US ng presensyang militar sa Asia para kontrolin ang mga karagatan sa palibot ng China.

Napakadilim ng haharapin ng sambayanang Pilipino sa napipintong kabanata ng neokolonyal na pandarambong. Asahan na ibayong pang-aapi at pagpapahirap sa darating na mga taon ang kakaharapin ng malawak na masa sa pang-aagaw ng kanilang lupa at kabuhayan, pagwasak sa kapaligiran, pagkamkam sa yaman ng bansa, at pagkasira ng mga lokal na pwersa ng produksyon. Sa pagtupad ni Marcos ng ibayong liberalisasyon ng pagmimina, lalong malalawak na sakuna—mga pagguho ng lupa, pag-apaw ng mga ilog at pagbaha sa malawak na kapatagan, ang tiyak na sasalanta sa bansa sa darating na panahon.

Higit na malawak at brutal na karahasan at panunupil na magiging kakambal ng agresibong pagpasok at pag-agaw ng lupa ng mga dayuhang kumpanya at mga kasosyong lokal na burges kumprador. Para papasukin ang mga dayuhang mandarambong, sukdang dinadahas, sinasampahan ng patong-patong na kaso, ikinukulong at binubugbog ang mamamayang lumalaban at nagtatanggol sa lupang kanilang minana at nilinang. Puspusang sinusuportahan ng imperyalismong US ang pagpapalakas ng reaksyunaryong armadong pwersa upang sugpuin nito ang lahat ng sasagka at magtatanggol sa lupa, kabuhayan at kalikasan. Mas matindi at malupit na panunupil ang ihahatid ng bagong antas ng imperyalistang pandarambong.

Napakalinaw na ipinakikita ng sitwasyong ito ang dahilan bakit kailangang ipagpatuloy at ibayong isulong ang matagalang digmang bayan sa Pilipinas. Ang digmang bayan ay estratehiya ng sambayanang Pilipino para sa pagtatanggol ng kasarinlan at patrimonya ng bansa. Ito ang sagot ng malawak na masa sa tiraniya at pasismo na nagsisilbi sa interes ng dayuhang monopolyong kapitalista at mga lokal na naghaharing uri.

Ang digmang bayan ay rebolusyonaryong pampulitikang kilusan ng malawak na sambayanan. Kinabibilangan ito ng lahat ng anyo ng paglaban upang pigilan ang mga dayuhang kapitalista at kanilang mga kasosyong burges kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista, sa pagsakop at pag-agaw sa lupa at kayamanan ng bansa.

Pangunahing anyo ng paglaban ang armadong pakikibaka para ipagtanggol ang patrimonya at kamtin ang pambansang kalayaan. Pakikidigmang gerilya ang taktika ng malawak na masa ng sambayanan para labanan ang dambuhalang kaaway. Kahit halimaw sa lakas at karahasan, hindi matatagalan ng imperyalismong US, at ng papet at pasistang estado ang maliliit na kagat ng laksa-laksang langgam na masang lumalaban.

Nagpapatuloy at lalong humihigpit na tungkulin ng Partido na buklurin at pakilusin ang buong sambayanan sa naglalagablab na landas ng digmang bayan. Panawagan ng Partido sa lahat ng makabayan at demokratikong uri at sektor, higit lalo sa masang anakpawis at mga petiburges na intelektwal: sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at isulong ang armadong pakikibaka.

Dapat isulong ang digmang bayan sa buong bansa, sa lahat ng rehiyon at prubinsya, mula Abra hanggang Sarangani. Nagmumula sa hanay ng karaniwang mamamayan ang kawal ng sambayanan para sa pambansang pakikibaka para sa kalayaan. Armalayt man o shotgun, bago man o luma, pistola o sibat, bato o pana, na nasa kamay ng masa at ng kanilang pwersang gerilya, ay mga sandata para sa pagtatanggol ng patrimonya at pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan.

The post Digmang bayan para sa patrimonya at pambansang kalayaan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.