Agresibong inilalako ng rehimeng US-Marcos ang likas na yaman ng bansa sa mga dayuhang kumpanya sa pagmimina para sa kapakinabangan ng mga kapitalistang Amerikano. Noong Agosto, inilabas ng rehimen ang Executive Order (EO) 122 o ang National Policy Framework for Developing the Critical Minerals Industry, para pabilisin ang proseso ng pagbubukas ng bagong mga minahan at pagpapalawak sa kalupaan at kagubatang maaari nitong saklawin.

Ang EO 122 ay pansuhay sa US-Philippines Critical Minerals Memorandum of Agreement na pinirmahan noong Pebrero at sa plano ng US na itatayong Pax Silica hub sa Tarlac. Noong 2023, binigyan ng US ang rehimeng Marcos ng $5 milyon bilang “teknikal na suporta” para itulak na ilabas ang balangkas na ito.

Nakatuntong ang EO 122 sa Mining Act ng 1995, ang neoliberal na batas na nag-alis ng mga regulasyon sa pagmimina at nagbuyangyang sa likas na yaman ng bansa sa dayuhang pandarambong. Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, pinadali pa ang pagpasok ng mga kumpanya sa mina sa pamamagitan ng pagbabago sa mga probisyon ng Free, Prior and Informed Consent para lalong tanggalin ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno; at Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act para bigyan ng labis-labis na insentiba at pribilehiyo ang mga dayuhang kumpanya.

Sa EO 122, pinalakas ni Marcos ang mga mekanismong tulad ng “Virtual One-Stop Shop” at ang patakarang “Use It or Lose It” para pabilisin ang pagbibigay ng lisensya sa malakihang pagmimina. Mahigit siyam na milyong ektaryang lupain sa buong bansa ang saklaw ng EO. . Inawtorisa din nito ang pagbebenta sa natitirang mga lupa at operasyon sa mina na hawak pa ng estado. Nakaambang ipawalambisa nito ang mga resolusyon at pagbabawal sa pagmimina na pinagtibay ng mga lokal na gubyerno at konseho.

Pakinabang ng US

Tahasang idineklara ng US ang plano nitong “pakinabangan” ang malalawak na reserba ng kritikal na mineral sa Pilipinas para sa Pax Silica hub. Dagdag na bentahe sa US ang “estratehikong distansya” ng bansa sa nakalatag nang mga pagawaan ng semikonduktor at teknolohiyang AI sa Taiwan, Japan at South Korea.

Nais kopohin ng US at mga alyado nito, kasabwat ang lokal na mga burukrata at burgesyang kumprador, ang yamang nickel, copper at cobalt ng Pilipinas. Tinatayang nasa $170 bilyong halaga pa ang reserbang nickel-cobalt sa Palawan, Surigao del Norte, Dinagat Islands at Zambales. Interesado rin ang US sa mayayamang deposito ng copper-gold sa Kingking sa Davao de Oro, Tampakan sa South Cotabato, at sa mga minahan sa Baguio-Mankayan.

Nais din ng US na makauna sa deposito ng mga rare earth element (REE), ang grupo ng 17 magkakaugnay na elementong metallic, na matatagpuan sa Palawan, Samar, Zambales at mga prubinsya ng Surigao.

Susi ang mga REE sa produksyon ng modernong armas, tulad ng mga fighter jet, submarinong pinatatakbo ng enerhiyang nukleyar, misayl, radar at night vision equipment. Lubusang nakadepende ang mga ito sa mga magnet at espesyalisadong metal na makukuha lamang sa mga REE.

Agresibong pagpapalawak

Todong pinalakpakan ng malalaking kumpanya sa mina ang EO 122. Bunsod nito at iba pang patakaran ng rehimeng Marcos, mas agresibo pa nila ngayong pinalalawak ang kanilang mga operasyon sa kabila ng mariing pagtutol ng mga katutubo, magsasaka, tagapagtanggol ng kalikasan at taong-simbahan.

Isa rito ang Berong Nickel Corporation, subsidyaryo ng DMCI Mining, na nagmimina ng nickel laterite sa Quezon, Palawan gamit ang pamamaraang strip mining. Nakatakda itong magputol ng 57,000 puno para palawakin ang sariling operasyon.

Sa Davao de Oro, itinutulak ng Kingking Mining Corporation ang pagpapalawak ng open-pit mining mula 1,521 ektarya tungong 6,933 ektarya sa bayan ng Pantukan. Lalamunin nito ang pitong barangay, wawasakin ang ekosistema at saribuhay ng lugar.

Sa Apayao, tusong pinapasok ng Titan Earth Mining Inc, at OceanaGold-Copper Fields ang mga bayan ng Conner at Kabugao upang itulak ang eksplorasyon sa 4,256 ektaryang lupain. Samantala, sa Nueva Vizcaya patuloy ang pagpasok at pagpapalawak ng mga aplikasyon sa eksplorasyon at operasyon sa Kasibu (Didipio) at Quezon (Runruno), na sinasabing may potensyal na makukuhang REE mula sa kasalukuyang mga minahan ng ginto at tanso.

The post EO 122: Para sa pakinabang ng imperyalismong US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.