Karapatan ng mga mamamayang magtanggol ng kanilang mga lupa at ng kalikasan sa lahat ng pamamaraan. Mahaba at nagpapatuloy ang kasaysayan ng pandarambong sa Cagayan Valley ng mga malalaking negosyo ng trosohan at dayuhang minahan, kasabwat ng mga pulitikong nagpapayaman sa puwesto sa burukrasya sa rehiyon at pambansa. Mahalagang bahagi ng kasaysayang ito ang magiting na paglaban sa iba’t ibang paraan, ng mga mamamayan ng Cagayan Valley, upang tutulan at biguin ang pandarambong sa ating likas-yaman at kalikasan. Iba’t ibang paglaban sa hayag at lihim na paraan, “ligal” at iligal, armado at di-armado, ng iba’t ibang organisasyon at mga alyansa—lahat nagkaisa sa paglaban sa pandarambong ng ating likas-yaman at kalikasan.
Ang malalaking kumpanya ng trosohan noong 1950s hanggang 1990s na kumalbo sa mas malaking bahagi ng Sierra Madre sa Isabela at Cagayan ay bumago sa takbo ng mga sapa, ilog at klima. Pinakaganid sa mga ito ay si Ferdinand Marcos Sr na halos kumalbo sa bundok ng Apayao. Nagdala ito ng panaka-nakang baha at pagguho ng lupa noong mga panahong iyon. Pagpasok ng gitnang bahagi ng 1990s ay nanghimasok ang malalaking dayuhang minahan sa Nueva Vizcaya at coal mining sa Isabela. Kasunod nito ang pandarambong ng blacksand sa baybay dagat sa Silangan at sa malaking ilog Cagayan noong gitnang bahagi ng 2000s. Ngayon, taon-taon tuwing malakas ang ulan at may bagyo, nalulubog sa baha at sa utang ang mga magsasaka sa Cagayan Valley.sa
Napatigil ng mamamayan ng Cagayan Valley ang ganitong pandarambong sapagkat lumaban tayo sa lahat ng larangan, kahit malaki ang ating mga kalaban. Mayroong nag-aral ng kalagayan at nagbigay ng aral, mayroong nagdasal at nangaral, mayroong nagpetisyon, nagsampa ng reklamo, nagprotesta, nagmartsa, mayroong gumawa ng mga molotov, at mayroong mga rebolusyunaryong hukbong bayan na lumaban sa reaksyunaryong mga sundalong naghasik ng karahasan bilang protektor ng mga malalaking trosohan at minahan. Napaatras ang mga malalaking trosohan, napaluhod ang mga dinastiyang nagsulong ng coal mining, napaatras ng 10 taon ang Oceanagold sa Nueva Vizcaya. Napatigil panandalian ang dayuhang minahan ng Royalco, Woggle, at Titan sa Nueva Vizcaya. Napatigil din nang panandalian ang blacksand mining sa baybay dagat at malaking ilog.
Subalit, babalik-balik ang mga dayuhang mandarambong. Tinutulungan sila ng mga burukrata kapitalista, at pinoprotektahan ng mga bayarang armadong pulis at sundalo. Nasa Top 5 sa mga bansang may pinakamaraming minerales ang Pilipinas. Ang dayuhang monopolyong negosyo o imperyalista ay nabubuhay sa mga mura at hilaw nating mga ginto, pilak, tanso, magnetite, nikel at iba pa. Minimina nila ng libre ang hilaw na materyales at, binebenta ang yaring produkto sa mas mataas na presyo. Nagbibigay sila ng karampot na buwis sa gobyerno na kinukurakot ng mga pulitiko. Nagbibigay ng ilang pirasong scholarship, nagpapasemento ng ilang kilomentro ng kalsada, at nagbibigay ng ayuda sa mga apektadong mga baryo kapalit ng baha, matagalan pagkasira ng ating mga ilog, tubig inumin, kagubatan at pagkaubos ng mga minerales na gamit sana para sa pagpapaunlad ng ating sariling pambansang mga industriya. Sa taumbayan ang perwisyo, sa mga dayuhan at burukrata ang ginhawa. Wala pa sa 1% ang ambag ng industriya ng minahan sa kabuuang kita (GDP) ng bansa. Noong taong 2024 ay 0.51% lamang ang ambag ng industriya ng minahan sa kabuuang kinita ng bansa. Lugi ang mamamayan sa pandarambong ng imperyalistang minahan. Lugi na nga, may karahasan pa na dala-dala.
Bulok ang sistema na naglulubog sa atin sa baha, putik at walang katapusang utang kasabay ng panggigipit at karahasan. Walang tayong maaasahan sa gobyerno ni Marcos Jr. Nasa nagkakaisang lakas ng mamamayan ng Cagayan Valley ang pagpapatigil sa pandarambong. Manindigan tayo at lumaban sa lahat ng pamamaraan. Walang dahilan upang matakot tayo. Kasama ninyo ang NDF-Cagayan Valley at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa anumang larangan ng paglaban. Itayo natin ang mga organisasyong masa na nagtataguyod ng tunay na karapatang agraryo at pambansang industriyalisasyon, na magsisilbi sa pangangailangan ng ating mga mamamayan at hindi sa dayuhan. Ang mga hungkag na dayalogo ay paraan lamang ng pagpapahupa ng makatarungang galit ng mga tao at paraan ng panlilinlang gamit ang matamis na mga pangako ng huwad na pag- unlad. Higit kailanman, itaguyod natin ang rebolusyunaryong armadong paglaban. Karapatan nating magtanggol at lumaban, bilang sagot sa panunupil at sapagkat walang ibang gagawa nito para sa atin.
Labanan ang imperyalistang pandarambong sa ating likas yaman!
Labanan ang pandarambong sa kaban ng bayan! Ibagsak ang imperyalismo at mga burukrata kapitalista!
Mabuhay ang pambansa demokratikong paglaban ng mamamayan ng Cagayan Valley!
Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon ng bayan!
The post Ang lupa, minerales at kalikasan ay para sa kapanginabangan ng mamamayan, hindi para sa iilan lamang appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

