Muling lumusong sa baha at nagprotesta ang daan-daang Bulakenyo noong Agosto 31 sa Malolos City para kundenahin ang kainutilan ng gubyerno na tugunan ang matagal nang problema ng pagbaha sa prubinsya tuwing malakas ang ulan. Muling nalubog sa baha ang maraming bayan sa Bulacan dahil sa pag-ulan na hatid ng habagat at dumaan na mga bagyo noong Agosto.
Patuloy na pinatutunayan ng mga pagbaha sa prubinsya ang pagiging sentro nito ng korapsyon sa bilyun-bilyong pisong alokasyon sa mga proyektong flood control. Sa pinakahuling datos, mahigit ₱320.28 milyon na ang naiulat na danyos sa buong prubinsya kung saan ₱135.64 milyon ay sa sektor ng agrikultura. Nagdeklara ang lokal na gubyerno ng state of calamity noong Agosto 19.
Sa pangunguna ng koalisyong Kilos Bulacan, sama-samang kumilos ang iba’t ibang koalisyon, grupo at sektor sa protesta sa kapitolyo sa Malolos City. Isa sa mayor na pwersang lumahok ang koalisyong Bigkis Bulacan na kinabibilangan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
“Sa pagtindi ng mga pagbaha at epekto ng kalamidad, patuloy din tayong nasasadlak sa hirap at dusa,” ayon sa Bigkis Bulacan. Doble-dagok umano ang mga epekto ng sakuna sa manggagawang kakarampot ng sahod at mga benepisyo at mga magsasakang nawawalan ng kabuhayan.
Malaki rin ang pananagutan, anito, ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na nagpapalubha ng pagbaha. Nangunguna rito ang New Manila International Airport (NMIA) ng San Miguel Corporation. “Ang suspensyon sa mga reclamation projects noong 2023 ay walang saysay dahil bukod sa panandalian lamang ito, tuloy-tuloy ang dredging at pagkasira ng ating kalikasan,” anito.
Dagdag ng koalisyon, ang mga patakaran sa bansa ay nananatiling nagsisilbi para sa mga lokal na negosyante at dayuhang pamumuhunan. “Ang mga huwad na proyektong pangkaunlaran ay nagsisilbing tulay para kumita ang iilan, habang naghihirap ang mamamayan,” ayon pa sa grupo.
Sa harap nito, nanawagan ang koalisyon sa mga Bulakenyo na huwag manahimik at patuloy na mangalampag, buuin ang lakas upang wakasan ang pandarambong sa kalikasan at kabang-yaman, at magbigkis tungo sa tunay na panlipunang pagbabago. “Walang na tayong ibang pagpipilian kundi ang magkaisa at lumaban,” deklarasyon nito.
Nagpahayag ng suporta sa pagkilos ng mga Bulakenyo ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) na nanguna sa malalaking demonstrasyon kontra korapsyon sa Luneta Park noong Setyembre 21, 2025 at Nobyembre 30, 2025. “Ang kanilang mga aksyon ay pagpapatunay na tuloy-tuloy ang pagpapanagot ng mga mamamayan sa mga korap na kontraktor at dinastiyang na nandarambong sa kaban ng bayan at nagwawasak din sa kalikasan,” ayon sa KBKK.
Dagdag ng KBKK, habang nalalapit ang unang anibersaryo ng Baha sa Luneta ay ramdam na ramdam pa rin ang kapalpakan ng mga proyektong flood control, ang kabiguan ng gobyerno na ikulong ang mga nangurakot sa pondong para sa flood control, at ang pagpapatuloy ng korap na sistema ng pagbabadyet. Sa badyet para sa 2027, muling naglaan ang rehimeng Marcos ng ₱107.4 bilyon para sa mga proyektong flood control.
Kaugnay nito, nanawagan ang KBKK na lalong dapat ipagpatuloy ang mga protesta at iba pang porma ng pangangalampag tungo sa pagpapanagot sa lahat ng sangkot. “Patuloy nating gawin ang lahat ng makakaya para muling ibwelo ang mas malalaki at mas malalapad na kilos-protesta kontra korapsyon sa mga susunod na buwan,” anito.
The post Daan-daang Bulakenyo, lumusong sa baha para magprotesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

