Ngayong Setyembre 2, 2026, ginugunita ng buong mundo ang ika-17 World Coconut Day upang kilalanin ang halaga ng niyog sa ekonomya at kultura ng maraming bansa. Ngunit sa katunayan, habang nagpapakasasa ang mga panginoong may lupa’t burgesya komprador sa bilyon-bilyong kita nila sa industriya ng niyog, ang mga magniniyog mismo sa mga bansang kagaya ng Pilipinas ay naghihikahos dala ng mababang presyo ng mga produkto sa bukid at komprada, kakulangan ng suporta mula sa reaksyunaryong gobyerno, at patuloy na pagwasak sa kanilang kabuhayan buhat ng malawakang pagpapalit-gamit ng lupa sa saklaw ng probinsya.
Tuloy-tuloy ang paghihirap ng mga magniniyog sa ilalim ng imperyalismo, pyudalismo, burukrata-kapitalismo, kaya nagpapatuloy din ang pakikibaka ng mga magniniyog ng Quezon at sa iba pang bahagi ng bansa para wasakin ang tatlong salot na ito, sa balangkas ng pambansang demokratikong rebolusyon.
Sa mga bayan ng Quezon, nananatiling mababa ang farmgate prices ng lukad at buô na hindi nakasasapat para sa araw-araw na pangangailangan ng mga magsasaka. Bukod pa rito, pinapababa rin ng mga komersyante ang kita ng magsasaka sa paraan ng pandaraya sa timbang at arbitraryong bawas sa resiko.
Malaganap ang kawalan ng lupa at mababang antas ng produksyon sa mga niyugan. Eksport pa rin ang oryentasyon ng kalakhan ng produksyon ng niyog, kung saan ipinapako ng pandaigdigang merkado sa mababang halaga ang mga produktong niyog kagaya ng coconut oil. Hindi rin namamaksimisa ang produksyon ng niyog at samu’t saring by-product nito para sa pakinabang ng ating bansa.
Sa kanyang unang State of the Nation Address, pinangako ni Marcos Jr. na papasiglahin diumano ng kanyang administrasyon ang industriya ng niyog sa bansa. Pero ano na ang nangyari sa Coconut Farmers and Industry Development Plan ng reaksyunaryong rehimen? Nakinabang ba ang mga magniniyog sa milyon-milyong pondo ng coco levy fund, na halos hindi naman napupunta sa mga magniniyog, bagkus ay sa bulsa ng iilan?
Mula sa mga isyu ng coco levy fund hanggang sa ngayon, malinaw na walang ginawa ang nagdaang reaksyunaryong rehimen kundi linlangin ang mga magniniyog, malamang para kurakutin na lang muli ng mga burukrata kapitalista at mga burgesyang kumprador ang pondo ng mga hungkag na programang ito.
Naimarka na ng mga magniniyog ng Quezon sa kasaysayan ng lalawigan at ng buong bansa ang kanilang magiting na pakikibaka para sa karapatan sa lupa at sa disenteng pamumuhay. Sa mga nagdaang dekada, nasaksihan natin ang ilang serye ng pagkilos at kampuhan na nagresulta sa maliit at malaki-laking tagumpay. At higit pa rito, laksa-laksang magniniyog din ng Quezon ang nagpasyang tumangan ng armas para epektibong durugin ang kapangyarihang pampulitika ng naghaharing-uri, para isulong ang tunay na pagbabago sa ating lipunan. Sa kasalukuyang malapyudal at malakolonyal na sistema kung saan hindi pinapahalagahan ang magsasaka sa niyugan, itong diwa ng pakikibaka ang dapat nating ipagdiriwang sa araw na ito.
Sa kinakaharap na panunupil ng pasistang estado sa rebolusyonaryong kilusan at sa lahat ng mamamayang lumalaban sa lalawigan at sa buong bansa, kailangan nating sumandig sa lakas ng uring magsasaka para isulong ang digmang bayan. Hinahamon tayo ng panahon na ubos-kayang magmulat, mag-organisa, at magpakilos, lalo na sa hanay ng mga batayang sektor kagaya ng sektor ng magniniyog. Sa ganitong klaseng lipunan, malinaw na sa paraan ng pambansang demokratikong rebolusyon lamang makakamit ang tunay at makabuluhang pagbabago para sa uring magsasaka at lahat ng mamamayang Pilipino.
Uring magsasaka, pangunahing pwersa!
Isulong ang digmang bayan!
Magsasaka ng Quezon, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
The post Ipagdiwang ang World Coconut day sa diwa ng militanteng pakikibaka ng masang magniniyog sa Quezon at sa buong bansa! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

