Mahigit 200 indibidwal mula sa 70 organisasyon ang nagtipon sa Quezon City noong Agosto 31, Pambansang Araw ng mga Bayani, para upisyal na itatag ang Network Opposed to Pax Silica (NO to Pax Silica). Binuklod ng network ang lahat ng mga indibdwal, grupo at pwersang titindig sa inisyatibang Pax Silica ng imperyalismong US at ang kaakibat nitong economic security zone (ESZ) na itatayo sa New Clark City, Tarlac.

Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ang mga Ayta at magsasaka ng Tarlac na mapalalayas ng itatayong Pax Silica hub sa loob ng ESZ. Mayroon ding mga kinatawan mula sa sektor ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, relihiyoso, kabataan at estudyante, syentista, mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, at negosyo. Malawak ang paglahok ng mga sektor dahil sa mahabang listahan ng magiging epekto ng Pax Silica sa bansa.

Sa pagbubukas ng aktibidad, pinangunahan ng mga Ayta ng Capas, Tarlac ang isang panalangin na sinundan ng pambungad na pananalita ni Bishop Elorde Sambat, Executive Director of Christian Schools, Colleges, and Universities. Kasunod ito ng pagtatalakay ng iba’t ibang sektor sa mga partikular na epekto ng Pax Silica.

Ipinaliwanag ni Apung Petronila Capiz-Muñoz, pinuno ng Sityo Sapang Kawayan sa Barangay Aranguren, Capas ang dadanasin nilang pagpapalayas at pang-aagaw ng lupang sakahan at lupang ninuno kaugnay ng proyekto. Pinalalim ng beauty queen na si Bea Millan-Windorski at iba pang tagapagtanggol ng kalikasan ang pagkawasak na idudulot nito sa likas na yaman ng bansa.

Nagbigay rin ng pagsusuri si Dr. Giovanni Tapang, Chair Emeritus ng Agham Advocates for Science and Technology for the People at dating dekano ng UP Diliman College of Science, kaugnay ng mga prayoridad ng gubyerno sa kaunlaran at sino ang makikinabang dito, katulad sa kaso ng Pax Silica. Binigyang-diin naman ni Teddy Casiño, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan, ang pagyurak sa pambansang soberanya at pananalasa sa kapayapaan ng Pax Silica sa Pilipinas at buong Asia Pacific.

Nakiisa sa paglulunsad at nagbigay rin ng kultural na pagtatanghal si Bayang Barrios. Sinarhan ang programa ng talumpati at panawagan sa pagkilos ng kabataang aktibista at ikalawang tagapangulo ng League of Filipino Students na si Belle Espiritu. Sa huli, pumirma ang mga delegado sa isang panata para labanan ang Pax Silica.

Ayon sa NO to Pax Silica, isa sa mga unang aktibidad na ilulunsd nito ang pagsasagawa ng karaban at pagbisita sa mga komunidad ng mga katutubo at magsasakang mapalalayas ng proyekto. Pangungunahan rin nito ang mga serye ng porum at talakayan sa mga eskwelahan, simbahan at mga komunidad para isiwalat ang kabulukan ng Pax Silica.

The post Network Opposed to Pax Silica, upisyal na inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.