Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US, naglunsad ng pambansang araw ng protesta sa US para sa pagpapalaya sa Pilipino-Amerikanong aktibistang si Christine Pasion at sa Mangyan-Buhid na organisador na si Binay Serrano noong Agosto 28. Lumahok sa pagkilos ang Malaya Movement at International Coalition for Human Rights in the Philippines-US.
Daan-daang Pilipino at kaalyado ang nagprotesta sa harap ng konsulado at embahada ng Pilipinas sa Los Angeles, San Francisco, Seattle Washington at Washington DC.
Itinaon ang protesta sa ika-30 araw nang detensyon ni Pasion, na hanggang sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Bureau of Immigration at ng PNP.
Ayon sa Bayan USA, sinusubukan ng rehimeng Marcos na pahabain ang ligal na proseso bilang pagtatangkang ikriminalisa si Pasion at Serrano sa pamamagitan ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso. Sa kabila nito, patuloy na ipananawagan ng kanilang pamilya, legal team, at komunidad sa Pilipinas at sa ibayong-dagat ang agarang pagpapalaya sa kanila.
Tulad ng maraming Pilipino sa ibayong-dagat, dinanas ni Pasion ang kriminal na kapabayaan ng gubyerno ng Pilipinas sa kamay ng mga kinatawan nito tulad ni Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez. Siya at ang kanyang mga kauri ay patuloy na binabalewala ang mga panawagan ng mga migranteng manggagawa na naghahangad ng hustisya laban sa kanilang mga kriminal na amo at patuloy na sinusuportahan ang mga patakarang anti-migrante ni Donald Trump.
“Kasama si Pasion sa maraming aktibista at tagapagtaguyod sa U.S. na tumutulong sa mga seafarer, guro sa ilalim ng J-1 visa, caregiver, at iba pa na nakaranas ng lantarang pagpapabaya ng gubyerno ng Pilipinas,” paliwanag ng grupo.
“Malinaw na nakita ni Pasion ang pangangailangang bumalik sa bayan at tugunan ang mga ugat ng sapilitang migrasyon, na siyang nagtutulak sa ating mga kababayan na mangibang-bansa upang humanap ng solusyon sa kanilang mga kahirapang pang-ekonomiya,” dagdag ng grupo.
“Si Pasion ay isang halimbawa ng kahalagahan ng pagpunta sa Pilipinas, makita nang direkta ang kalagayan at magsilbi sa mamamayang aktibong kalahok sa kanilang sariling pagpapalaya… Hindi natin dapat hayaan hdalangan ng pagsupil ng rehimeng Marcos ang mga Pilipino sa ibang bansa na tumugon sa panawagan na maglingkod sa sambayanang Pilipino at ipagpatuloy ang pakikibaka para sa tunay na soberanya at pambansang demokrasya,” pagtatapos ng grupo.
The post Pagpapalaya kina Christina Pasion at Binay Serrano, ipinanawagan sa US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

