Nakalaya na sa bisa ng pyansa noong Setyembre 1, bandang alas-3 ng hapon, ang 11 nagtatanggol sa barikada sa Barangay Pacquet, Kasibu, Nueva Viscaya. Arbitraryo  at marahas silang inaresto ng mga elemento ng Philippine National Police noong Agosto 28.

Umabot sa ₱430,000 ang kabuuang pyansa (₱36,000 kada isa) ng mga naaresto para sa kasong grave coercion at resistance and disobedience to a person in authority na bunga diumano ng kanilang pagharang sa pagpasok ng mga tauhan ng  North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) at mga dala nilang krudo.

Nalikom ang pondong pangpyansa mula sa mga donasyon ng publikong sumusuporta sa paglaban ng mga residente, ayon kay Atty. Aivy Nipahoy, isa sa mga abugado ng mga naaresto.

Samantala, ibinunyag at kinundena ni Atty. Ellice Balgos, isa ring abugado ng mga residente, ang mga paglabag ng PNP Nueva Viscaya sa karapatan ng mga kliyente. Sa kanyang salaysay, dinalaw ni Atty. Edgardo Balgos ang mga inaresto noong Agosto 29. Tumanggi ang mga pulis na palabasin ang mga inaresto sa kanilang selda, kaya kinailangang pumasok sa selda ang abugado para makausap sila. May CCTV sa loob ng kulungan. Noong Agosto 31, sinubukan uli ng mga abugado na isadokumento ang salaysay ng mga ikinulong ngunit pinagbawalan naman sila ng mga pulis na magdala ng bolpen at papel.

Ayon sa mga abugado, hindi ito ang unang beses na hindi kinilala ng PNP Nueva Viscaya ang karapatan ng mga inaresto. Nang inaresto ang tatlong nagbabarikada sa Barangay Pacquet noong Agosto 19, hindi din sila binigyan ng pribasiya para makapag-usap. Pinagbawalan pa silang kunan ng litrato o bidyo ang kanilang mga kliyente.

“Ang karapatang makausap nang pribado ang sariling abuogado, at ang karapatang kumuha ng ebidensiya, ay hindi pribilehiyo o paggalang na puwedeng ibigay o tanggihan ng pulis kung kailan nila gusto. Ito ay mga pundamental na mga karapatan,” giit ni Atty. Ellice Balgos.

“Dalawang beses na itong nangyari sa loob lamang ng 10 araw. Mukhang ito na ang karaniwang gawi ng PNP NV o PNP Region 2. Tama ba? Tinatawagan namin ang Kasibu Municipal Police Station, Nueva Vizcaya Provincial Police Office at Police Regional Office 2 na siguruhin na iginagalang ang mga karapatan ng mga tao na nasa kanilang kustodiya,” dagdag ni Atty. Ellice.

Nagpahayag naman ng pakikiisa si Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David, ang Diosesis ng Bayombong at  Diosesis ng Santiago  sa mga komunidad sa Nueva Vizcaya. Nananawagan silang pakinggan ang mga residenteng tumututol sa mina bago pahintulutan ang karagdagang aktibidad ng pagmimina sa kanilang mga lupain.

Nananawagan si Cardinal David sa estado na magpahapag ng mapagkakatiwalaang malayang pag-aaral sa kapaligiran, humarap sa tapat na dayalogo, at isagawa ang tunay na konsultasyon sa mga apektadong komunidad at mga lokal na pamahalaan.

Nananawagan rin siya na tapusin ang pangigipit, pambabanta, at walang saysay na kriminalisasyon ng mga tagapagtanggol ng kalikasan. Binigyan diin niya na may karapatan ang mga komunidad na mapayapang ipahayag ang kanilang mga alalahanin at makilahok sa mga desisyong may kinalaman sa kanilang lupain at kinabukasan.

The post Kasibu 11, nakalaya na appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.