Bilang pagsalubong sa pagbubukas ng bagong semestre, naglunsad ng kabi-kabilang protesta sa kampus ang mga kabataang-estudyante nitong Agosto. Dumugtong at binuhay nito ang kilusang kilusang walkout noong 2025 laban sa malawakang korapsyon pangunahin sa mga proyektong flood control.

Sa mga pagkilos, nanawagan ang kabataan ng dagdag pondo para sa edukasyon laluna sa mga state university and college sa bansa. Iginiit nila ang paggalang ng estado sa kanilang akademikong kalayaan at mga demokratikong karapatan sa kampus.

Binatikos rin nila ang korapsyon, pang-aabuso, at pasismo ng estado na anila ay patuloy na nagpapahirap sa mga estudyante at kabataan. Itinampok rin nila ang mga isyung bayan kabilang ang pagtutol sa Pax Silica hub at ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US.

Pinakamalaki sa mga protesta ang pagkilos ng mahigit 3,000 estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa kampus sa Sta. Mesa, Maynila noong Agosto 22. Nagkaroon rin ng protesta sa kampus nito sa Sto. Tomas, Batangas.

Sa University of the Philippines (UP) System, ikinasa ang koordinadong protesta sa mga kampus noong Agosto 17. Kumilos ang daan-daang estudyante, mga konseho ng mag-aaral, publikasyon at progresibong grupo sa UP Los Baños, UP Manila, UP Diliman, UP Visayas sa Iloilo, UP Cebu, at UP Mindanao. Samantala, isinagawa ang protesta sa UP Baguio noong Agosto 13 at sa UP Tacloban noong Agosto 10.

Sa Maynila, nagkaroon rin ng mga pagkilos sa Philippine Normal University at Far Eastern University sa unang linggo ng buwan. Kumilos rin ang mga estudyante ng Ateneo de Naga University sa Naga City at West Visayas State University sa Iloilo.

Sa Cebu, koordinado ang pagkilos ng mga kabataan-estudyante sa University of San Carlos, Cebu Normal University, at Cebu Technological University na nagdiin sa pagtutol sa pagtataas ng matrikula. Hindi nagpatinag ang kabataang Cebuano sa pagtatangka ng mga pulis at pwersa ng estado na supilin ang kanilang protesta.

Kasabay ng pagbubukas ng bagong semestre, ginunita rin ng mga kabataang-estudyante ang Pambansang Araw ng Kabataan nitong Agosto. Nanawagan ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) sa mga estudyante laluna sa mga lider ng mga konseho ng mag-aaral na patuloy na tumindig at ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

“Sa bawat hakbang na ating tatahakin, tayong mga kabataan ay hindi magpapatinag sapagkat ang ating paninindigan ay nakasandig sa sambayanan. Ang panatang ito ay dapat dalhin palabas sa ating mga paaralan, patungo sa mga komunidad at sa bawat sulok ng ating bayan hanggang sa makamit natin ang pagbabagong matagal nating hinihintay at nararapat para sa ating lahat,” ayon sa NUSP.

The post Kabataang-estudyante, naglunsad ng mga protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.