Nakapagtapos ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Eastern Visayas ng pagsasanay sa Batayang Kursong Pulitiko-Militar noong ikalawang kwarter ng taon. Ayon sa ulat ng BHB-Eastern Visayas (Efren Martires Command), naisagawa ito ng yunit sa gitna ng modified community support program o MCSP ng pasistang militar sa larangang gerilya.
Tumagal nang dalawang linggo ang pagsasanay-militar. Ayon sa panrehiyong kumand, masigla itong nilahukan ng mga Pulang kumander at mandirigma. Naging katuwang ng yunit ang masa sa lokalidad upang matiyak ang lohistika at seguridad ng aktibidad.
Ayon sa mga nagsanay, naarmasan sila ng kaalaman at kasanayan upang harapin ang umiigting na atake ng kaaway. Anila, binigyan sila nito ng kumpyansa para biguin ang pananalasa ng militar at maglunsad ng mga taktikal na opensiba para isulong ang digmang bayan.
Pinasubalian ng pagsasanay-militar ng BHB ang paulit-ulit na deklarasyon ng “insurgency-free” at Stable Internal Peace and Security (SIPS) sa maraming bayan sa Eastern Visayas. Pinangungunahan ng 8th ID ang operasyong kontra-insurhensya sa buong Eastern Visayas. Pinakikilos nito ang hindi bababa sa 11 panagupang batalyon, batalyon sa artileri, mga tropa ng civil military operation, CAFGU, at pulis.
Sa harap ng matagumpay na pagsasanay ng yunit ng BHB, lubos ang pasasalamat nito sa mga kasama laluna sa masang walang-tigil ang suporta sa hukbong bayan. Bilang pasasalamat, isang kultural na programa ang inialay sa kanila ng yunit ng BHB.
—may ulat mula sa Larab, rebolusyonaryong pahagayang masa sa Eastern Visayas
The post Pulitiko-militar na treyning, inilunsad ng BHB-Eastern Visayas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

