Mariin na kinukondena ng buong rebolusyonaryong pwersa ng Northern Negros kasama ang yunit ng mga pulang hukbo sa ilalim ng Roselyn Jean Pelle Command-NPA, Northern Negros Guerrilla Front ang pagpatay kay Jundel Barayarcal maging ang kawalan ng hustisya sa nasabing insidente. Inililinaw rin ng RJPC-NPA na walang kinalaman ang mga NPA sa pagkamatay ni Barayarcal taliwas sa ipinakakalat na pekeng balita ng PNP-Calatrava. Ang kanyang pagkamatay ay hindi “insurgency related.”

Napakabobo at napakatamad ng PNP-Calatrava na pinangungunahan ni Police Captain Jesus Alba na magpalabas ng konklusyon ng kanilang imbestigasyon nang walang mabigat at malinaw na basehan. Dahil walang maituro na suspek sa nasabing insidente, napakadaling idagdag nalang ito sa mga gawa-gawang kasong isinasampa nila sa mga pinararatangang Pulang mandirigma sa lugar. Ipinapakita lamang nila na wala talaga silang kapasidad na sugpuin ang mga krimen sa kanilang erya at bigyan ng hustisya ang mga biktima ng iba’t-ibang porma ng dahas.

Unang-una, walang naitalang kaso na kinahaharap si Barayarcal sa rebolusyonaryong korte ng bayan. Kaya naman walang rason ang NPA na maging imbolbado.

Pangalawa, kung pinagdududahan na asset ng tropa militar o pulis ang isang indibidwal, agad itong iniimbestigahan ng mga Pulang mandirigma. Kapag napatunayan na asset ngunit wala pang nagawang pinsala sa rebolusyonaryong korte, isa sa mga hakbang dito ang pagkompronta sa nasabing indibidwal at pagpapataw ng warning-edukasyon at strong warning depende sa naging kooperasyon niya sa kaaway.

Pangatlo, kung totoong may kinalaman ang mga rebolusyonaryong kilusan sa kamatayan ng isang indibidwal, agad itong inaamin sa publiko sa pamamagitan ng paglalabas ng opisyal na pahayag kung saan ipinapaliwanag dito ang mga mabibigat na krimen na kanyang naggawa.

Kaugnay sa kaso ni Bayaracal, ang RJPC-NPA ay kasalukuyang nagsasagawa ng sarili nitong masusing imbestigasyon. Hinihikayat ang malawak na masa sa nasabing baryo na makipag-ugnayan sa malapit na mga yunit ng NPA sa lugar kung sino man ang makapagbibigay ng dagdag na substansyal na mga datos para sa ikalulutas ng krimen. Bukas ang tanggapan ng RJPC-NPA sa pakikipagtulungan sa mga pamilya ng biktima para sa pagkakamit ng hustisya sa pagkamatay ng kanilang pamilya.

The post Walang kinalaman ang NPA sa pagkamatay ni Jundel Barayarcal appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.