Nagprotesta ang mga guro at estudyante mula sa mga state university and college (SUC) sa Batasan Pambansa, Quezon City noong Agosto 27 para batikusin ang kaltas-pondo ng rehimeng Marcos sa mga SUC. Sa panukalang badyet ni Marcos na 2027 National Expenditure Program (NEP), mas mababa nang ₱3.34 bilyon ang panukalang badyet sa mga SUC kumpara sa inilaan ngayong taon. Higit pang mas malayo ito sa kailangang badyet ng mga unibersidad at kolehiyo sa bansa.
Sa 113 SUCs sa bansa, 49 ang dadanas ng direktang kaltas sa pondo habang pito ang makatatanggap ng dagdag-badyet na mas mababa pa sa 1%. Pinakamalaki ang kaltas-pondo sa University of the Philippines (UP) System na aabot sa ₱2.95 bilyon. Lubhang maaapektuhan nito ang pondo para sa UP Philippine General Hospital (PGH).
Sa Philippine Normal University (PNU), magkakaroon ng kaltas na ₱394.9-million at ₱291.8 milyong kaltas sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Malalaking kaltas rin ang dadanasin ng Mariano Marcos State University (-₱506.3M), Isabela State University (-₱229.3M), Biliran Province State University (-₱210.9M), at Leyte Normal University (-₱160.4M).
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, ang padron ng pagkakaltas ng pondo sa mga SUC ay kaugnay ng pagtutulak ng gubyerno sa kaayusang Public-Private Partnership (PPP). Kabilang dito ang pagtutulak ng rehimeng Marcos sa panukalang batas na National Teachers University (NUTE) at National Polytechnic University (NPU) na magtutulak ng komersyalisasyon sa PNU at PUP.
“Pinapatay ng gobyerno ang ating mga pampublikong pamantasan at kolehiyo habang ipinagmamayabang ang libre kunong edukasyon. Paano magiging libre at de-kalidad ang kolehiyo kung tinatapyasan nang bilyon-bilyon ang pondo ng UP, PUP, PNU, at mga pampublikong kolehiyo sa mga rehiyon?” pahayag ni Ruby Bernardo, tagapangulo ng ACT Philippines.
Ayon pa sa lider-guro, ang pagtitipid sa edukasyon ay direktang pagkakait sa karapatan ng kabataang Pilipino na makapag-aral. “Kasabay nito ang pagtalikod sa tungkuling bigyan ng disenteng sweldo at sapat na benepisyo ang mga guro at kawani, siguruhin ang regularisasyon ng mga kontraktwal na empleyado, pondohan ang makataong promosyon, at punan ang mga kakulangan lalo na sa mga guro at pasilidad sa mga kolehiyo at pamantasan,” aniya.
Sampal rin sa mukha ng mga guro at estudyante ang napakalaking pondong inilaan ni Marcos para sa Confidential and Intelligence Funds (₱10.8 bilyon) kung saan ₱4.56 bilyon ay para lamang sas Office of the President na katumbas ng 44.9% ng kabuuang CIF.
Lumobo rin ang badyet ng Department of National Defense tungong ₱328.8 bilyon. Pinakamalaking bahagi nito ang para sa Armed Forces of the Philippines, kasama ang ₱50 bilyon para sa Revised AFP Modernization Program. Tinaasan naman nang ₱22 bilyon ang pondo ng Department of the Interior and Local Government kung saan ₱16 bilyon ay para sa Philippine National Police.
“Habang binabawasan ang pondo ng edukasyon, busog na busog naman sa bilyun-bilyong confidential and intelligence funds ang Malacañang, DND at DILG para sa militarisasyon at panunupil. Hindi kakulangan sa pera ang problema ng bansa, kundi maling prayoridad,” ayon kay Bernardo.
Nakiisa rin ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) sa panawagan ng mga guro at estudyante para sa badyet sa sektor ng edukasyon. “Naninindigan ang NUSP na hangga’t nariyan ang korapsyon, hindi prayoridad ni Marcos Jr ang kinabukasan ng mga kabataang Pilipino. Habang mataas ang pondo na inilaan sa confidential and intelligence funds at pagbabalik ng mga maanomalyang flood control projects, kumakaharap ang sektor ng edukasyon sa hindi sapat na badyet para sa susunod na taon,” anang grupo.
Sa harap nito, isinaad ng NUSP na hindi mananahimik ang mga kabataan sa patuloy na pagnanakaw ng rehimeng Marcos sa kanilang kinabukasan. “Asahan ng rehimeng ito na magtutuloy-tuloy ang walkout ng mga estudyante at kabataan sa mga paaralan at magtutuloy-tuloy ang pakikiisa sa mga piket at welga ng manggagawa at magsasaka,” anito.
The post Kaltas-pondo ng rehimeng Marcos sa mga SUC, kinundena ng mga guro at estudyante appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

