Mariing kinundena ng mga grupo ng katutubo, tagapagtanggol ng kalikasan at progresibo ang marahas na pag-areso ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) sa 11 nagbabarikada noong Agosto 28, bandang alas-4 ng hapon, sa Barangay Pacquet, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Nagkagitgitan sa barikada nang tinangkang ipasok ng mga tauhan ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) ang mga sasakyang may lulang diesel at iba pang suplay na kailangan para sa exploration activity ng kumpanya. Hinarang ng higit-kumulang 800 residente ang mga sasakyan.

Humantong ito sa tulakan at hilahan hanggang sa marahas na pagka-aresto sa 11 residente. Mga residente sila ng mga barangay ng Pacquet, Dine at Catarawan.

Rason ng Kasibu PNP, bawal harangan ang kalsada dahil idineklara itong municipal road. Matagal nang iginigiit ng mga residente na pribadong lupa ang kinatitirikan ng kanilang barikada.

Sasampahan ang mga inaresto ng grave coercion at resistance and disobedience to a person in authority and their agents. Ayon kay Atty. Fidel Santos, abugado ng mga tumitindig kontra mina, tila sinadyang itinaon ang pagpasok ng mga tauhan ng kumpanya sa naturang lugar sa araw ng Biyernes para sadyang patagalin ang detensyon dahil Martes pa maaaring makapagpyansa ang mga naaresto.

Pagkatapos ng pang-aaresto, dumating ang mga lokal na upisyal tulad ni Vice Mayor Chito Bumolo, at ilang myembro ng Sangguniang Bayan. Dito napagkasunduan na huwag munang ipasok ang mga personel at gamit ng kumpanya ng mina.

Nagtakda naman ng pagpupulong ang Sangguniang Bayan sa Setyembre 1, kasama ang mga lider ng mga grupong kontra mina at kinatawan ng NLRMC.

Ayon sa mga residente, nananatiling matatag ang barikada sa kabila ng pagkaaresto ng ilang residente.

Umaapela naman ng tulong si Atty. Santos para sa mga nahuli. Aniya aabot sa halos kalahating milyong piso ang kinakailangan para makapagpyansa ang 11 na nahuli. Bawat isa ay nangangailangan ng ₱42,000 pyansa para sa kanilang mga kaso.

The post 11 inaresto ng PNP sa barikada kontra mina sa Nueva Viscaya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.