Mariing kinundena ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), Karapatan Bicol at Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Albay ang pambabanta sa buhay ni Atty. Bartolome Rayco, myembro ng NUPL-Bicol.
Noong Agosto 28, bandang alas-6 ng umaga, natagpuan sa labas ng karinderya na pag-aari ng pamilyang Rayco sa Legazpi City ang dalawang bala at isang mensahe na naglalaman ng “Atty. Bart Rayco MALAPIT KA NA!” Ayon sa mga saksi, may nakitang kalalakihang naka-motor na tumigil sa harap ng karinderya bandang alas-4 nang umaga.
Ayon sa NUPL, malinaw na ito ay pananakot at hindi mapagkakailang banta laban kay Atty. Rayco at sa kanyang pamilya. Si Atty. Rayco ay isang magiting na abugado ng bayan na matagal nang ipinaglalaban ang karapatan ng mga aktibista, bilanggong pulitikal, at maralitang komunidad sa Bicol. Bilang dating Bise-Presidente ng NUPL para sa Luzon at aktibong upisyal ng IBP-Albay, haligi siya ng lokal na ligal na komunidad. Nagsilbi siya bilang tagapangulo ng ALECO Multi-Sectoral Stakeholders Organization (AMSSO), kung saan ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga konsyumer ng kuryente sa Albay. Kasama sa kanyang adbokasiya ang pamumuno sa mga inisyatiba ng legal aid sa buong Albay.
“Walang abugado ang dapat makaranas ng pang-aapi dahil sa mga kliyenteng kinakatawan nila o sa mga adbokasiyang ipinaglalaban nila. Ang UN Basic Principles on the Role of Lawyers ay malinaw na nag-uutos sa mga gubyerno na tiyakin na ang mga legal na propesyon ay makagagampan ng kanilang tungkulin ‘nang walang pananakot, hadlang, pang-aabuso, o hindi angkop na pakikialam’ (Prinsipyo 16). Higit pa rito, may obligasyon ang estado na protektahan ang mga abugadong binabantaan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin (Prinsipyo 17),” paliwanag ng NUPL.
“Malinaw na ito ay pananakot na may kinalaman sa aking trabaho…hindi kami matatakot at hindi kami titigil sa pagtatrabaho para sa hustisya. Hindi dapat mangyari ito. Dahil ang kalayaan ng mga abugado ay mahalaga sa paghahangad ng hustisya. Kapag ang mga abugado ay natatakot na, paano pa magkakaroon ng boses ang mga naghahangad ng katotohanan. Dahil mula sa katotohanan makakamit ang hustisya,” paliwanag ni Atty. Rayco sa kanyang panayam sa BicoldotPH hinggil sa insidente.
Nanawagan ang NUPL, Karapatan Bicol at IBP-Albay para sa agaran, masusi at walang kinikilingang imbestigasyon sa insidente at pagpapanagot sa mga sangkot.
Nanawagan rin ang IBP-Albay sa NBI Regional Office V, PNP Albay Provincial Police Office at Police Regional Office 5 ng imbestigasyon para matukoy at mapanagot ang mga sangkot. Ipinaalala rin ng IBP-Albay sa mga ahensya ang kanilang pangakong protektahan ang mga abogado at hukom, kasunod ng naging dayalogo tungkol sa kanilang seguridad noong Oktubre 2025.
Nagpahayag ng pakikiisa ang Save Gubat Bay Movement (SGBM) kay Atty. Rayco. Anito, malaki ang naging ambag ni Atty. Rayco sa mga tagumpay ng SGBM. Naging sandigan siya ng mga mangingisda, manggagawa, magsasaka, at mga taong walang kakayahang magbayad ng abugado, laluna sa harap ng mga laban ng karaniwang mamamayan.
“Sa panahong ang hustisya ay tila mas madaling makamit ng may pera at mga makapangyarihan, kaya galit sila sa mga abogadong na kagaya ni Atty Bart na handang tumindig kasama ng mga maralita at inaapi,” paliwanag ng grupo.
The post Abugado sa Bicol, nakatanggap ng pambabanta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

