Nagpahayag ng taos-pusong pakikiramay ang Katipunan ng mga Samahang Migranteng Manggagawa sa Korea (KASAMMA-KO) sa mga pamilya, kaibigan, at kasamahan sa trabaho ng mga nasawi sa sunog sa isang pabrika ng mga hilaw na materyales para sa pintura sa South Korea. Naganap ang malagim na insidente noong Agosto 28, bandang alas-11:44 ng umaga, sa Dongnam-gu, Cheonan, Chungcheongnam-do.
Ayon sa paunang ulat, 21 manggagawa ang nasa loob ng pabrika nang mangyari ang pagsabog at sunog sa Daewon Industry. Nasa 17 ang ligtas na nakalabas, 3 ang nasawi, at 2 ang nasugatan. Kabilang sa mga nasawi ang dalawang Pilipinong manggagawa na natagpuang patay sa ika-6 at ika-8 palapag ng gusali at isang babaeng Koreanong empleyado. Isa sa mga sugatan ay isang empleyadong Pilipino na nakaranas ng second-degree burns sa buong katawan.
Nananawagan ang KASAMMA-KO sa lahat ng Pilipinong migranteng manggagawa sa Korea na magtulungan at magbahaginan ng anumang mahalagang impormasyon upang makatulong sa agarang pagtukoy sa kalagayan ng mga biktima at sa kanilang mga pamilya.
Nanawagan din ang grupo sa mga kinauukulang awtoridad para sa masusi, malaya, at bukas sa publiko na imbestigasyon sa insidente, kabilang ang mga posibleng paglabag sa mga pamantayan sa kaligtasan at proteksyon sa lugar ng trabaho.
Diin ng grupo, ang kaligtasan, karapatan, at kapakanan ng bawat manggagawang Pilipino man o migranteng manggagawa ay dapat pangalagaan at igalang. Hindi dapat maging kapalit ng paghahanap-buhay ang buhay at kaligtasan ng mga manggagawa.
Nanawagan din ang grupo sa gubyerno ng Pilipinas na magsagawa ng agarang aksyon at magbigay ng tulong para sa mga pamilya ng nasugatan at mga nasawing Pilipinong manggagawa. Kabilang dito ang kahingian nilang agarang makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng South Korea, magbigay ng kinakailangang konsular na suporta, at tiyaking makukuha ng mga pamilya ang nararapat na tulong at benepisyo.
The post Mga Pilipinong migranteng manggagawa, biktima ng pagsabog at sunog sa pabrika sa South Korea appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

