Sa ngayon, tahimik ang mga lansangan. Pero hindi permanente ang pananahimik.

Posibleng huling pagbisita. Pero sana’y maulit pa hangga’t hindi pa huli ang lahat.

Sa halip na phone patch o Zoom interview na madalas na nangyayari, naisipan nilang gawin ang panayam sa mismong studio ng ABS-CBN. Nangangahulugan itong muling pagbisita sa gusaling medyo kabisado na dahil wala namang masyadong nagbago sa mga nakaraang dekada.

Alam pa rin ang mesa o estasyon ng mga kakilala’t kaibigan, lalo na ang mga dating estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Wala pa ring nagbago sa lokasyon ng mga kubeta kaya alam ang pupuntahan kung kailangang tugunan ang tawag ng kalikasan.

Siyempre’y likas pa rin ang ngiti’t pagbati, lalo na sa mga saksi sa nangyari noong 2020. Sa mga medyo bata pang staff at reporter, may mga nakipagkamay at nagpakilala. Ganyan talaga ang mga may alam sa kasaysayan at kolektibong paninindigan.

Halata ang saya sa pagkikita pero iba ang pahiwatig ng mga mata. Tila may gustong sabihin pero huwag muna. Tulad ng ibang newsroom, abala kasi ang lahat sa pagbabalita ng nagmamadaling kasaysayan.

Pero halata namang may kakaiba sa ABS-CBN newsroom sa kasalukuyan dahil sa hindi katanggap-tanggap na nakaraan. Anim na taon ang nakalipas mula nang ipagkait ng mga nasa kapangyarihan ang broadcast franchise nito. Tuwang-tuwa ang mga bulag na tagasuporta ng nakaraang administrasyon. Sa loob-loob nila, “Sa wakas, napatahimik ang kritiko!”

Pero nanahimik nga ba? Kung ano ang ingay para ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag, mas tumindi pa mula nang marinig ang mga baluktot na depensa ng maraming personaheng may kakabit na “His Excellency” o “Honorable” sa pangalan.

Sabi nila, walang kinalaman sa kalayaan sa pamamahayag ang pagpapasara dahil simpleng paglabag lang ito sa regulasyon tungkol sa prangkisa. Pero ilang beses nang napabulaanan ang mga walang batayang akusasyon tulad ng diumanong hindi pagbabayad ng buwis, dayuhang pagmamay-ari at pagpapakalat ng pekeng balita.

Dahil isinapubliko ang pagdinig sa Kamara de Representantes noong 2020, saksi ang buong Pilipinas sa sinabi ng isang mambabatas na nagagalit siya sa ABS-CBNdahil hindi iniulat ang pamimigay niya ng bigas. Ito rin ang mambabatas na binanggit ngayong taon lang na bayaran daw ang karamihan sa midya. Kahit na nakakulong siya sa kasalukuyan dahil sa isang non-bailable na kaso, wala pa ring hustisya dahil wala pang napapanagot sa naging maling desisyon ng Kongreso tungkol sa ABS-CBN.

Hahayaan na lang ba ang nangyari? Tama bang “Move on!” ang maging perspektiba dahil sinabi ng pamunuan ng ABS-CBN na hindi na kasama sa kanilang estratehiya ang aplikasyon para sa bagong prangkisa? Nararapat bang tumahimik na lang dahil naibenta na ang mga ari-arian, partikular ang lupang kinatitirikan ng gusali?

Batay sa impormasyong isinapubliko, ang tatlong ektaryang lupain ng ABS-CBN ay nasa kamay na ng Ayala Land, Inc. Magtatayo raw ng “mixed use commercial and residential development.” Posibleng magkakaron ng condominium units, office rental spaces, commercial centers at kahit na shopping malls kung pagbabatayan ang mga proyekto nito sa Cloverleaf, Arca South at Makati Central Business District.

Ano kaya ang plano sa ABS-CBN Main Broadcast Building, Dolphy Theater at ang Millennium Transmitter? Tuluyan bang gigibain ang mga ito sa kabila ng halaga nito sa kasaysayan ng midya sa Pilipinas?

Bilang paghahanda sa demolisyon, nakasara na ang Sgt. Esguerra main gate na ilang beses na pinasok at pinaradahan. Kaya sa pagpasok muli sa gusali, kailangang dumaan sa side entrance. Nakaparada pa rin ang maraming sasakyan ng ABS-CBN pero halatang marurumi na ang iba dahil hindi na masyadong nagagamit.

Sa loob ng gusali, may mga nagtatrabaho pa rin pero may ilang lugar na halos wala nang tao. Halatang medyo napapabayaan na ang ilang bahagi dahil hindi na masyadong nalilinis. Ang studio na pinagdausan ng taping, malinis naman pero halatang make-shift na lang at hindi permanente. Kung sabagay, nalalapit na ang paglipat para magbigay-daan sa mga bagong may-ari.

Pagkatapos ng taping at habang hinihintay ang sasakyang maghahatid pabalik sa kampus, pansamantalang nakausap ang isang taga-ABS-CBN. Maraming off-the-record na napagkuwentuhan. Halata ang lungkot sa nangyari noong 2020. Nang mapag-usapan ang isang nakakulong na mambabatas, pinagkuwentuhan ang “karma” sa kabila ng patuloy na kawalan ng hustisya.

Mabigat ang loob na umalis sa ABS-CBN. Sa pagdaan muli sa side entrance, kinailangang tingnang muli ang lugar na pinagdausan ng napakaraming “Black Friday” na mass action noong 2020. Nagsimula sa mangilan-ngilan, nauwi sa libo-libo sa tinaguriang Jericho March. Malinaw ang panawagan noon. Higit pa sa prangkisa ng ABS-CBN ang usapin dahil kailangang ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag.

Sa ngayon, tahimik ang mga lansangan. Pero hindi permanente ang pananahimik.

Ito ba ang panghuling pagbisita? Sana’y hindi. Sana’y maimbitahan pang muli. Sana’y makausap pa ang mga kakilala’t kaibigan. Pero huli man o hindi, tandaang hindi ito ang huling salita.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com/

The post Kapamilya appeared first on Bulatlat.


From Bulatlat via This RSS Feed.