Nagpiket ang mga manggagawang Cebuano sa upisina ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board VII (RTWPB VII) sa Cebu City noong Agosto 24 para ipanawagan ang ₱1,200 arawang nakabubuhay na sahod. Itinaon ang pagkilos sa pagdinig ng ahensya sa petisyong isinumite ng BPO Industry Employees Network (BIEN)-Cebu para sa dagdag-sahod tungong ₱1,200/araw.
Ayon sa grupo, lubhang hindi nakasasapat ang ₱540 minimum na sahod laluna sa harap ng tumataas na presyo ng mga batayang bilihin sa Central Visayas. Sa buong bansa, pinakamataas ang tantos ng implasyon sa rehiyon na nasa 8.7%. Patuloy nitong binabagbag ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa.
“Ang makabuluhang dagdag sahod ay hindi lamang kagyat na kinakailangan kundi ito ay posible [dahil] lumilikha ang mga manggagawa ng mas malaking yaman sa pamamagitan ng lakas-paggawa at pagtataas ng kanilang produktibidad,” ayon kay Kyle Enero, pangulo ng BIEN-Cebu.
Aniya, sa industriya pa lamang ng IT-BPM (o Information Technology-Business Process Management) ay bilyun-bilyong dolyar ang tinatabo ng mga kumpanya mula sa lakas-paggawa ng mga empleyado nito. Noong 2025, ang buong industriya ng IT-BPM sa Pilipinas ay kumita ng tinatayang US$40 bilyon na mas mataas pa sa inaasahan nito.
Binatikos ng BIEN-Cebu ang RTWPB VII sa sadyang makupad na pag-usad ng mga pagdinig na nagpapatagal pang lalo sa pagbibigay ng dagdag-sahod. Hindi dapat umano pinaghihintay ang mga manggagawa laluna at walang tigil ang pagtaas ng presyo ng pagkain, yutilidad, transportasyon, pabahay at iba pang pangangailangan.
“Bingi at bulag sa kagyat na pangangailangan ng mga manggagawa, muli na namang inilantad ng RTWPB ang kainutilan ng mekanismo ng kada rehiyong pagtatakda ng sahod sa pagbibigay ng agaran at makabuluhang alibyo sa manggagawang Pilipino at kanilang pamilya,” ayon kay Enero. Dagdag niya, sa kada araw na ipinagkakait ito ay natutulak ang mga manggagawa na banatin nang sobra ang kanilang karampot na sahod para mapagkasya.
Para palakasin ang kampanya para sa dagdag-sahod, inilunsad rin ng BIEN-Cebu sa araw na iyon ang Wage Increase Network (WIN)-Cebu na magsisilbing malapad na newtork para kaisahin ang mga manggagawa sa iba pang industriya at sektor. Hinimok nito ang mga manggagawang nagdurusa sa mababang sahod, karaniwang mamamayang nawawalan ng kakayahang bumili, at mga Cebuanong pinahihirapan ng mataas na halaga para mabuhay na magkaisa at tumindig.
Magsasagawa ang WIN-Cebu ng mga sama-samang pagkilos, pampublikong talakayan, pag-aaral at iba ang inisyatiba para ipanawagan ang dagdag-sahod. Hahamunin nito ang sistema ng pagtatakda ng sahod sa Central Visayas at sa buong bansa.
“Kung walang manggagawa, walang produksyon, walang rebenyu, at walang kita na makukuha ang mga kapitalista. Kaya makatarungan lamang na matanggap nila ang wastong bagahdan ng yaman na sila mismo ang lumikha,” ayon kay Enero, na siya ring tatayo na lider ng WIN-Cebu.
The post Manggagawang Cebuano, patuloy na iginigiit ang ₱1,200 nakabubuhay na sahod appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

