Hungkag ang pahayag ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) ng rehimeng Marcos na bumaba na raw ang tantos ng kahirapan sa mga lugar na saklaw ng Support the Barangay Development Program (SBDP) ng National Task Force-Elcac. Lutang sa katotohanan ang NAPC, na nagsiwalat lamang ng datos para magpatuloy ang korapsyon na bumabalot sa pondo ng NTF-Elcac at SBDP at nagpapatampok sa burukrata kapitalismo.
Sinabi ng NAPC na nagkaroon na umano ng “signipikanteng pag-unlad” sa mga lugar na saklaw ng SBDP ng NTF-Elcac at “mahalagang behikulo” ang programa upang bawasan ang kahirapan. Ito ang ginagamit nilang katwiran para palawakin ang programa at lalo pang buhusan ng pondo sa pambansang badyet para sa 2027.
Ang totoo, nananatiling malawakan ang kahirapan sa Eastern Visayas sa kabila ng ₱3 bilyon ibinuhos para sa SBDP mula 2021 hanggang 2025. Datos na mismo ng Philippine Statistics Authority ang nagsabing 27.3% ng populasyon sa rehiyon ang nabubuhay lamang sa ₱88 kada araw noong 2023.
Sa konserbatibong pagtaya, hindi bababa sa 1.3 milyong indibidwal ang mahirap kung saan 1.2 milyon ang matatagpuan sa kanayunan. Sila ang sinasabi ng NAPC na nasa “geographically-isolated and disadvantaged areas” at binuhusan ng pondo ng SBDP.
Ngunit kahit na noong 2021 pa sinimulan ang SBDP, noong 2023 ay umangat pa ang Eastern Visayas para maging ikatlong rehiyon na may pinakamaraming mahihirap na mamamayan. Laging kabilang ang prubinsya ng Leyte sa 10 lalawigan na may pinakamataas na bilang ng pamilya at populasyon na mahirap sa buong bansa, at tumaas pa nga ng 3-4%. Samantala, ang Northern Samar na may pinakamalaking bilang ng barangay na benepisyaryo ng SBDP (34.33%) sa buong rehiyon ay tumaas pa ng 14.75% ang bilang ng mahihirap na populasyon.
Ang distribusyon ng pondo para sa SBDP ay nagsisilbi sa political patronage na nagpapatatag ng dinastiya sa pulitika at sistematikong korapsyon. Sa unang taon ng pagpapatupad ng programa, ibinuhos ang 75% ng ₱16.4 bilyon sa Mindanao kung saan 1/4 o ₱4.3 bilyon ang napunta sa Davao Region na balwarte ng mga Duterte. Kalauna’y din nalantad na ₱3.2 bilyon lamang na halaga ng mga proyekto ang “nakumpleto,” habang 2% lang ng badyet para sa 2022 ang nagamit sa kabila ng katotohanang nai-relis ang mga pondo.
Kwestyunable ang pagpapatupad ng SBDP sa Las Navas, Northern Samar, ang bayan na may pinakamaraming barangay na “benepisyaryo” ng programa. Ayon sa Commission on Audit noong 2024, kalakhan sa 27 na proyektong may kabuuang halaga na ₱67.5 milyon ang delayed at hindi pa nakukumpleto. Isinuspendi rin ang pagpapatupad ng kalakhan ng farm-to-market road project, na isinisi sa masamang panahon at sa presensya ng Bagong Hukbong Bayan. Hindi ba’t kataka-taka na habang sinasabi nilang iginagawad ang pondo ng SBDP kung “malinis” na ang isang lugar sa impluwensya ng hukbong bayan, sa BHB pa rin nila isinisisi ang pagkakaantala ng pagpapatupad ng kanilang mga proyekto? Nalalantad ang buhul-buhol nilang kasinungalingan.
Hanggang ngayon, hindi pa rin maipaliwanag kung saan napunta ang ₱20 milyong pondo para sa SBDP ng Barangay San Miguel, Las Navas, na kabilang sa mga pilot barangay ng programa. Sa Barangay Osang, Catubig, nananatiling hindi tapos ang konstruksyon ng health center at water system project kahit ilang taon nang nairelis ang pondo.
Ang lehitimong pagtutol at pagkwestyon sa NTF-Elcac at SBDP ay hindi lamang nagmumula sa makamamayan at progresibong sektor at inbidwal sa Pilipinas. Noong 2024, inirekomenda ni UN Special Rapporteur Irene Khan ang pagbubuwag nito habang noong 2025 ay kinuwestyon ng mga relihiyosong grupo tulad ng Caritas Philippines at ECSA-JP ang bilyun-bilyong pondo ng NTF-Elcac.
Sa mga barangay na may SBDP isinasagawa ang pinakamatitinding paglabag ng estado sa karapatang pantao. Ginamit nila ang programa bilang “pabuya” para sa pagpapatahimik at paglapastangan sa dignidad at karapatan ng mga magsasaka. Sa pag-aaral ng NDF-EV, mula 2018 hanggang 2025, nasa 16% ng mga barangay ang isinailalim sa paghaharing militar, katumbas ng kalahating milyong katao. Naitala ang 474 na iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang pantao kabilang na ang hindi bababa sa 100 kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay na bumiktima maging sa matatanda, bata at menor de edad. Sa huli ay hindi tunay na napakinabangan ng mga residente ang SBDP.
Napakarami nang ihinahanay na programa laban sa kahirapan ang ibat’ ibang rehimen katuwang ang mga ahensya tulad ng NAPC at NTF-Elcac. Ngunit kasaysayan pa rin ang nagpapatunay na hindi ito epektibo, pangmatagalan o sustenable dahil sa kaibuturan ay hindi naman talaga sinsero ang layunin. Kailangang higit na mamulat ang mamamayang Pilipino sa pangangailangan ng sama-samang pagkilos para igiit ang kanilang sosyo-ekonomikong karapatan. Kapayapaang nakabatay sa katarungan ang nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan na siyang tunay na magpapalaya sa kanila sa kumunoy ng kahirapan. Ito ang daan tungo sa makamasa at sustenableng pag-unlad.
The post SBDP, gatasan ng korapsyon, hindi para sa tunay na pag-unlad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

