Kinundena ng Karapatan ang National Task Force (NTF)-Elcac sa paghuhugas-kamay nito sa sunud-sunod na ulat ng karahasan sa loob ng mga eskwelahan. Pinuna ng Karapatan ang ahensya matapos sumakay ito sa isyu ng naganap na karahasan at magbunton ng sisi sa mga tinatagurian nitong “prenteng organisasyon” ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.
Sa pahayag ng NTF-Elcac, hibang na idinawit nito ang mga progresibong organisasyon at sinabing kabilang sila sa nag-uudyok ng karahasan sa hanay ng mga bata. Ayon sa Karapatan, walang ibang layunin ang pasistang ahensya kundi palabnawin ang pagkakadawit ng mga pwersa ng estado sa mga insidente.
Sa paunang mga imbestigasyon, lumabas na ang ginamit na mga armas ng mga batang sangkot sa pamamaril ay pag-aari ng kanilang kaanak na mga pwersa ng estado. Sa Tacloban City, ang mga baril ay pag-aari ng isang pulis at ng isang ahensya sa seguridad, habang pag-aari ng isang kumander ng pulis sa Bureau of Customs ang baril na ginamit sa Zamboanga City.
Kaya naman, ayon sa Karapatan, isang “nakagugulat na pagtalon ng lohika” ang ginawang pagpaparatang ng NTF-Elcac. “Ngunit gaano man ipilit ng NTF-Elcac ang baluktot na mga naratibo nito, palagi nitong kahaharapin ang katotohanan,” ayon sa grupo.
Anang Karapatan, dapat panagutin rin ang NTF-Elcac sa ginagampanan nitong papel sa pag-uudyok at paglikha ng kapaligirang nagtataguyod ng karahasan sa mga eskwelahan. Bantog ang ahensya sa isinasagawa nitong mga Red-tagging na porum at treyning na nagpapakita ng mga larawan ng patay na katawan ng mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan.
Buong pagmamalaki nitong ibinabalandra ang mga larawan ng mga “nasamsam na armas at kagamitang pandigma” sa sinasabing mga engkwentro. Walang pagkukubling ipinakikita rin nito sa mga bata at kabataan ang dugo at kahayukan sa karahasan ng estado.
“Ang nakasusukang mga kalakarang ito ay mayroong tanging layunin na turuan ng takot ang mga bata at kabataan, sa halip na tulungan silang maunawaan ang panlipunang konteksto ng armadong tunggalian,” ayon sa Karapatan. Tinawag ng grupo ang mga ito bilang instrumento ng “pasisasyon” na nagtuturo na normal at makatarungan ang karahasan ng estado sa mamamayan nito.
Maliban sa ginagawang ito ng NTF-Elcac, kalakaran rin ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang magsagawa ng mga “tour” at “field trip” para sa mga bata at kabataan sa mga kampo militar nito. Ipinakikita at ipinahahawak sa kanila ang mga armas, granada at iba pang tipo ng mapamuksang armas.
Samantala, kinundena ng Karapatan ang muling pagtutulak ng NTF-Elcac sa mga panukalang batas na nagkukubli sa tabing ng pangangalaga sa mga bata. Ginamit na pagkakataon ng ahensya ang kalagayan ng mga eskwelahan at kaso ng karahasan para patampukin ang mga panukala.
“Dahil likha ito ng NTF-Elcac, ang mga panukalang batas na ito ay dapat itakwil, dahil kung maisasabatas at maidadagdag sa arsenal ng armas ng estado ay gagamitin para ibayong sikilin ang kalayaang pang-akademiko, kritikal na pag-iisip at ang karapatan ng sektor ng edukasyon para sa malayang pagpapahayag, pag-oorganisa at pagpapakilos para ihayag ang kanilang mga hinaing,” ayon sa Karapatan.
The post NTF-Elcac, may pananagutan sa umiigting na karahasan sa mga eskwelahan—Karapatan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

