Nabalitaan kamakailan ang agresibong pagdami ng mga tauhan ng mga kumpanya sa mina na Pan Pacific, Titan Earth Mining, at OceanaGold Mining sa Conner at Kabugao, Apayao.

Naobserbahang nililibot ng mga empleyado ng Pan Pacific ang mga Barangay Dibagat at Madatag at pinipilit ang mga residente na pahintulutan ang pagpasok ng kumpanya sa iminumungkahi na lokasyon ng Gened 2 dam.

Kasabay nito, nabalitaang bumisita ang mga kinatawan ng OceanaGold-Copper Fields sa Barangay Talifugo at sa iba pang apektadong lugar ng kanilang proyektong eksplorasyon sa loob ng munisipalidad ng Conner. Samantala, ang mga tauhan naman ng Titan Earth ay gumala sa iba’t ibang barangay na apektado ng proyektong eksplorasyon ng kumpanya sa Kabugao.

Ayon sa Sumikad Tada-Movement for the Defense of Apayao Biodiversity, ang sabay-sabay na pagpasok ng mga kumpanya ay direktang banta sa integridad ng mga lupang ninuno, lokal na ekosistema, at soberanong karapatan ng mga katutubong komunidad.

Unang nagpahayag ng pagtutol ang Ummong ti Umili ti Conner Kontra Dadakkel a Minas sa planong eksplorasyon ng Titan Earth Mining Inc. sa bayan ng Conner at Kabugao sa Apayao. Anito, maapektuhan ng proyekto ang kanilang lupaing ninuno at magdulot ng pagkahati-hati sa loob ng mga komunidad.

Noong Agosto 17 nakatanggap ng liham ang mga barangay sa loob ng Barren Ancestral Domain mula sa Mines and Geosciences Bureau-Department of Environment and Natural Resources-CAR tungkol sa Exploration Permit Application No. 0135-CAR ng kumpanya. Iginiit ng grupo na ang karapatan ng mga residente sa kanilang lupang ninuno ay mas nauna sa batas at kaugnay na mga patakaran sa pagkuha ng rekurso.

“Ang Conner ay hindi isang bakanteng lupang bukas para sa malalaking minahan. Ito ang lupang ninuno ng mga tao. Ito ang kanilang tahanan. Ito ang kanilang pinagkukunan nila ng buhay,” paliwanag ng grupo.

Samantala, muling ipinahayag ng mga komunidad ng Isnag sa Kabugao ang kanilang pagtutol sa dalawang proyektong hydropower sa kahabaan ng ilog ng Apayao-Abulug matapos ang mga ulat na muling nagsimula ang mga aktibidad ng mga kinatawan ng Pan Pacific Renewable Power Philippines Corp. at pakikipag-ugnayan ng mga ito sa mga upisyal ng barangay upang makakuha ng akses sa mga lugar na saklaw ng proyekton Gened 1 at Gened 2.

“Kung ang mga naiulat na aktibidad ay talagang nangyayari, ito ay ay lubhang nakababahala…ang mga proyektong Gened 1 at Gened 2 ay marami pang hindi nasasagot na tanong hinggil sa kawastuan ng proseso ng FPIC, paglabas ng Certificates Precondition at sa pagkakaroon ng mga kinakailangang permit at awtorisasyon para sa mga aktibidad ng proyekto,” paliwanag ng Inagkodi Kabugao Youth.

Anito, ang ligalidad ng mga proyekto ay patuloy na dinidinig sa sa Court of Appeals.

“Hindi pwedeng simpleng isantabi ang nakabimbing kaso habang ang mga tagapagtaguyod ng proyekto ay patuloy na gumagawa ng mga aktibidad sa komunidad. Hindi rin dapat ituring ang mga pakikipag-usap sa mga upisyal ng barangay o mga pagtatangka na makuha ang akses sa iminumungkahi na mga lokasyon ng dam bilang kapalit ng tunay na pahintulot mula sa mga apektadong mga katutubo,” dagdag ng Inagkodi Kabugao Youth.

Samantala, naghain ng aplikasyon para sa eksplorasyon ang kumpanyang OceanaGold-CopperFields para sa sa 4,256 ektaryang lupain sa bayan ng Conner. Sasaklawin nito ang Barren Region sa Conner, ang barangay Malama, Ili, Talifugo, Manag, Guinaang, Guinamgamman, at Katablangan.

Ayon sa Save Apayao People’s Organization (SAPO), ang proyektong eksplorasyon ay kasunod ng anunsyo ng rehimeng Marcos noong Hulyo tungkol sa US$1.9 bilyong pangakong pamumuhunan mula sa Canada.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsumite ng aplikasyon ang Copper Fields upang magsagawa ng eksplorasyon sa Conner. Naka-lista sa MGB Public Portal ang mga aplikasyon mula Marso 1996 at Mayo 2000. Parehong tinanggihan ang mga aplikasyon nito noong Pebrero 2011. Bago nito, tinutulan din ng mga residente ang pagpasok ng Anglo American PLC noong 2005.

The post Mga proyektong mina at dam, agresibong itinutulak sa Apayao appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.