Kinundena kamakailan ng mga grupong Sabokahan Unity of Lumad Women, Panalipdan Youth Davao at Center for Environmental Concerns-Philippines (CEC), ang planong pagpapalawak ng operasyong mina ng Kingking Mining Corp. (KMC),sa Pantukan, Davao de Oro. Anila, malaking banta ang operasyon sa mga lupang ninuno, kagubatan at watershed.

Sa mahabang panahon, napigilan ang operasyon ng KMC dahil sa paglaban ng mamamayan. Noong 2020, naantala ang pagpapalawak nito dahil sa mga restriksyon at ng pandemyang COVID-19. Plano ng kumpanya na palawakin ang operasyon nito mula sa 1,521 ektarya tungong sa 6,933 ektarya sa loob ng 42 na buwan.

Ang operasyon sa Kingking ang isa sa pinakamalaking proyektong mina sa bansa. Sasaklawin ng operasyon ang pitong barangay ng Pantukan- ang Kingking, Magnate, Tagdangua, Napnapan, Bongbong, Tibagon at Bongabong.

Open-pit mining ang pamamaraan ng pagmimina ng kumpanya. Inaasahang sa 23 taon, mahuhukay sa minahan ang hanggang 89 milyong metrikong tonelada ng ore bawat taon o humigit-kumulang 3.1 bilyong libra ng tanso, 5 milyong onsa ng ginto, at halos 10 milyong onsa ng pilak.

Nakakuha ang proyekto ang Environmental Compliance Certificate noong 2015 at Mineral Processing Permit noong 2016, ngunit naantala ang operasyon matapos ang nationwide moratorium sa bagong mga proyektong open-pit mining na ipinataw noong 2017. Inalis ang moratorium noong 2021 at ibinwelo ng kumpanya ang operasyon para sunggaban ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng tanso at ginto.

Mayaman ang Kingking sa mineral, gayundin sa likas na yaman ng kagubatan. Matatagpuan rin sa lugar ang 253 katutubong species ng halaman, kabilang ang 12 na itinuturing na bulnerable o nanganganib na mawala, gayundin ang 74 species ng ibon, 17 species ng mammal, at 10 species ng reptile.

Ayon kay Kat Dalon, ikalawang tagapangulo ng Sabokahan, pinadadali ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang proseso para sa mga proyektong pagmimina sa pamamagitan ng pagbibigay ng sertipiko para sa mga development sa ancestral domains.

“Sa karanasan ng Lumad, kinukuha ng mga mining company ang FPIC. Marami silang taktika at ginagawa ang lahat para lamang makuha ito. Kaya hindi talaga ito epektibo,” paliwanag ni Dalon.

Aniya, ang mga pagpatay sa mga katutubong lider na tumututol sa pagmimina sa Pantukan ay ebidensya ng patuloy na pagtutol ng mga residente sa proyektong mina.

“Kung bukas pa ang Lumad sa pagbibigay ng kanilang lupa, bakit matindi ang tunggalian sa pagitan ng mga Mansaka. Sa Lumad sa Pantukan? Bakit may mga pagpaslang… Pinatay ang mga lider doon dahil tumutol sila sa pagmimina,” pahayag ni Dalon.

Noong Enero 2016, binaril ng mga armadong kalalakihan sa Kingking si Teresita “Bebeng” Navacilla, convenor ng Save Pantukan Movement at kritiko ng mina.

Nagpahayag ng pagkabahala ang Center for Environmental Concerns-Philippines (CEC) kaugnay sa paghuhukay sa kabundukan ng Pantukan. Anito, ang pagkalbo sa kagubatan para sa pagmimina ay napakasama para sa ekosistema, lalo sa harap ng nagbabagong klima at pagkasira ng iba pang bahagi ng Davao de Oro.

Babala ng grupo na ang pagbabago sa landscape ay magpalala ng erosion at sedimentation, na makasasama sa mga ilog at komunidad sa ibaba ng watershed. Maari din itong magdulot ng malawakang pagguho ng lupa. Ang apektadong lugar ay bahagi ng watershed na ang tubig ay dumadaloy sa mga ilog, groundwater, at dagat ng mga kalapit na bayan.

Ang Kingking Mining Corp. ay isang joint venture ng mga kumpanyang St. Augustine Gold and Copper Ltd., (SAGC), Nationwide Development Corp. (NDC), at Queensberry Mining and Development Corp. Si Manuel Paolo A. Villar ang Chief Executive Officer ng SAGC, habang ang Queensberry Mining and Development Corp. ay 66% shareholder ng SAGC.

The post Pagpapalawak ng operasyong mina sa Davao de Oro, tinututulan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.