Pinagpugayan ng mga Negrosanon ang martir ng bayan at Pulang kumander na si Cristito Nilles (Ka Dagohoy/Demos) na pinatay ng 62nd IB sa Sityo Calambia, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Agosto 17. Isa siyang kapita-pitagang kumander ng isang yunit gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command).

Namartir si Nilles nang maubusan ng dugo matapos masugatan sa pag-atake ng mga sundalo sa kubo na kanyang tinutuluyan. Kasama ng mga sundalo ang kilalang traydor sa rebolusyon at ahente ng militar na si Renante Misyon (Tiborsyo).

Nakatakbo si Nilles at kanyang asawa papalayo sa lugar na pinangyarihan ng pag-atake. Matapos nito, matapang na tinunton ng kanyang mga anak ang kinaroroonan ng sugatang si Nilles. Natagpuan nila ang kanilang ama na wala nang buhay sa Sityo Uyangan, Barangay Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental.

Si Nilles ay sumapi sa Pulang hukbo noong 2000. “Mahabang panahon siyang kumilos para magmulat, mag-organisa at magpakilos ng masang Negrosanon para sa kanilang karapatang-tao laluna sa karapatan sa lupa,” ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros.

Ito ang mga dahilan kung bakit lubos siyang iginagalang ng mga taga-Central Negros laluna ang mga tinuwangan at sinuportahan ng BHB sa mga pakikibakang masa, ayon kay Regalado. Dahil sa kanilang pagkakaisa at pagkilos, maraming magsasaka ang nagkamit ng lupang sakahan sa erya.

“Madali siyang lapitan ng masa dahil kahit ano pa mang usapin ay pinagsisikapan niyang matugunan, kasama ang kanyang kolektib para sa ikabubuti ng lahat,” ayon kay Regalado.

Pinatotohanan rin ito ng pahayag sa Facebook ng maraming masang nakasalamuha ni Nilles. Ayon sa isa niyang pinsan, mapagmahal at mabuting tao ang kanilang manong (kuya).

“Proud kami na may nakilala kami na isa naming kapamilya na nag-NPA at hindi nang-aabuso, mabait at may respeto at minamahal ng lahat,” pagbabahagi ng kanyang pinsan. Anang mga kaanak at kakilala ni Nilles, mananatili siyang buhay sa kanilang alaala at ituturing nilang isang bayani.

Kinikilala rin siya ng mga Pulang mandirigma bilang mabuting ehemplo at mahusay sa kahit anong gawain at tungkulin sa hukbo. Sa Partido, isa siyang nangungunang kadre sa larangang gerilya ng Central Negros na namuno sa mga gawaing pulitiko-militar para itaas ang antas ng digmang bayan laluna sa armadong pakikibaka.

“Patuloy na aalalahanin ng buong rebolusyonaryong pwersa sa Central Negros si Ka Dagohoy,” ayon kay Regalado. Magsisilbing gabay at paalala sa BHB ang mga aral na inambag niya sa pagsusulong ng digmang bayan sa isla.

The post Pulang kumander ng BHB-Central Negros, pinarangalan ng kapwa Negrosanon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.