Mariing binatikos at kinundena ng mga progresibong organisasyon at partido, taong-simbahan, at tagapagtanggol ng kalikasan ang pinakahuling patakaran ng rehimeng Marcos na Executive Order No. 122. Isinapubliko ni Marcos ang kautusan, pinamagatang National Policy Framework for Developing the Critical Minerals Industry and Reorganizing the Mining Industry Coordinating Council for the Purpose, noong Agosto 21.

Ayon sa alyansang Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), ang EO 122 ay “nagmumukha lamang na pagpapaunlad sa industriya ng kritikal na mineral, pero ang totoo ay lalo nitong pinatitindi ang liberalisasyon sa pagmimina at ang pagsuko ng mga likas na yaman ng Pilipinas sa heyopulitikal na interes ng US at ng mga dayuhang kapitalista.”

Padudulasin ng EO 122 ang pagpasok ng malakihang pagmimina ng mga dayuhan at lokal na kapitalista sa mahigit siyam na milyong ektaryang lupain sa buong bansa. Sasagasaan nito ang mga karapatan, kaligtasan at kagalingan ng mga Pilipino at ng kapaligiran.

Ayon sa Kalikasan, ang EO 122 ang pinakahuli lamang sa serye ng mga panukalang nagpapalakas ng dayuhan at korporatikong kontrol sa pambansang patrimonyo ng bansa sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Karugtong ito ng US-Philippines Critical Minerals Memorandum of Agreement, ng pagsali sa Pax Silica Initiative at pagtatayo ng Pax Silica hub, at ng Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act at Amended Investors’ Lease Act. Sa ilalim ng bagong EO, ipinakana ng rehimen ang patakarang “Use It or Lose It,” mabilisang pribatisasyon ng mga ari-arian sa pagmimina ng estado, at ang pagtatatag ng Virtual One-Stop Shop para sa permit.

Kinundena rin ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, kasalukuyang deputy minority leader sa Kongreso, ang kautusan. Ayon kay Tinio, ang EO 122 ay isang “buong-buong pagsuko” ng yamang-mineral ng bansa sa kamay ng mga dayuhan.

“Sa kabila ng matatamis na salita nito tungkol sa industriyalisasyon at pagdadagdag ng halaga, ang katotohanan ay itinatali ng EO 122 ang Pilipinas bilang isang mapagkukunan lamang ng murang hilaw na mineral para sa pandaigdigang green technology value chain, habang ang mamamayan ang papasan sa malalalang pinsala sa kalikasan at dislokasyon,” pahayag ni Tinio. Idinagdag ng kinatawan na tiyak na magdudulot ng malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo ang kautusan.

Ipinanawagan din ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) Philippines na dapat magamit ang yamang-mineral sa totoong pambansang kaunlaran: “Ang mga kritikal na mineral ay dapat magsilbi sa pag-unlad ng Pilipinas, at hindi sa mga pangangailangan ng supply-chain ng Pax Silica o ng anumang dayuhang kapangyarihan. Ang pagpuproseso at pagmamanupaktura ay kailangang magtayo ng ating sariling kakayahang teknolohikal at pambansang ugnayang industriyal.”

Inilinaw naman ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, na ang mga neoliberal na patakaran katulad ng EO 122 ay patuloy na nagtatali sa bansa sa mga dayuhang merkado at hindi nito pauunlarin ang lokal na ekonomya.

Samantala, nababahala rin ang ibang mga grupong tagapagtanggol ng kalikasan sa epekto ng EO 122 sa mga lokal na pamahalaan (LGU) at probinsyang may umiiral mga kontra-minang resolusyon laban sa pagmimina katulad ng Palawan, South Cotabato, at Romblon. Sa tulong ng “Virtual One-Stop Shop” at mabilisang deklarasyon ng mga proyekto bilang pambansang prayoridad, maaaring sagasaan ng pambansang pamahalaan ang lokal na mga ordinansa at ang probisyon sa paghingi ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC) ng mga katutubong mamamayan.

Nanawagan ang mga grupo para sa agarang pagbabasura sa EO 122.

“Ang tunay na pambansang industriyalisasyon ay nagmumula sa pagpapalaya sa ating mga likas na yaman at sa ating bansa mula sa kontrol ng imperyalismo,” ayon sa Kalikasan PNE. “Kinakailangan nito ang pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at…pambansang industriya na nakatuon sa lokal na pangangailangan at nagbibigay-prayoridad sa proteksyon ng kalikasan at sa karapatan ng mamamayan.”

The post EO 122 ni Marcos, kinundena ng mga progresibong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.