Idinaan sa chant na “Tubig! Tubig! Tubig!” ng mga residente ng San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan sa harap nila Mayor Rida Robles at Congressman Arthur Robes ang kanilang galit sa krisis sa tubig at kainutilan ng lokal na gubyerno para resolbahin ito.
Sa isang lokal na larong basketball na “Ate Rida’s Cup” sa Minuyan Sports Complex, SJDM noong Agosto 24, sabay-sabay na nanawagan ang mga residente ng “Tubig! Tubig! Tubig!” nang dumating ang mag-asawang sina Mayor Rida Robles at Congressman Arthur Robes sa court. Naka-halftime break ang laban ng team Minuyan Proper at Muzon nang panahon na ito.
Dahil dito, pansamantalang pinatigil ni Rida Robles ang laro at pinagsabihan niya ang mga manunuod.
“Hindi pinagtatawanan ang isang mayor, hindi pinagtatawanan ang isang kongresista, kung ikaw ay kagawad nirerespeto kita mula ulo hangang paa at kung bakit ka naging konsehal ay dahil nagsimula ka sa Robes administration,” buong pagmamayabang ni Rida Robes.
Pinaratangan niya si Councilor Atty. Ronalyn Pordan na nag-udyok sa manunuod na kutyain siya at kanyang asawa.
“Ngayon, mga taga barangay Minuyan Proper ang hinihingi namin ay ito, kayo ay mahal na mahal naming lahat.” dagdag ni Robes na sabayang sinagot ng mga residente ng malakas na “weeeeehhh.”
Sa harap ng malinaw na galit ng mga residente, nagawa pa ng alkalde na ipagmalaki ang kunwa’y nagawa niya para sa bayan, at sinabihan pa ang mga tao ng “mahiya naman kayo.”
“Hindi ba mahal na meron kayong sports complex? hindi ba mahal na mayroon kayong aquatic center? hindi ba mahal na mayroon kayong city college? hindi ba mahal na marami kaming ginawa para sa barangay Minuyan proper?”
Sa inis at galit ng mga residente sa tugon ni Robes, agad namang nagsigawan ang mga residente ng ”Iyakin! Iyakin! Iyakin!”
Matapos magsalita sa mikropono, sinugod ni Robes sa konsehal na si Pordan at pinagalitan habang dinuduro.
Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang City Youth Sports and Development Office (CYSDO) at ang Liga ng mga Sangguniang Kabataan (SK) ng San Jose del Monte upang kundenahin ang “pambabastos” sa mga upisyal ng aktibidad. Anito, kinikilala at hindi minamaliit ng lokal na pamahalaan ang nararanasang problema sa tubig ng mga residente, ngunit may tamang paraan, lugar, at tamang panahon para dito.
Umani ng negatibong reaksyon ang naturang pahayag sa social media. Iginiit ng ilang netizen na ang paniningil sa mga upisyal tungkol sa pangunahing serbisyo ay hindi dapat ituring na kawalan ng respeto. Hindi rin utang na loob sa mga upisyal ang ginagawa nilang serbisyo at hindi pwede sumbatan ang mga mamamayan. Mas mahalagang tugunan ang problema sa tubig kaysa pagsabihan ang mga residenteng naghahayag ng kanilang hinaing.
Mayroon ding ulat na pinasusuko sa ilang dumalo ang kanilang mga selpon at pinabubura ang mga bidyo ng insidente.
Nananatili ang krisis sa tubig
Mula pa 2018, nang malipat ang serbisyo sa tubig sa lungsod mula sa Local Water District sa PrimeWater, nakaranas na ng hindi maaasahang serbisyo ang mahigit 47,600 kabahayan o tinatayang 250,000 residente sa 62 barangay.
Noong Nobyembre 2025, winakasan ang joint venture agreement ng PrimeWater sa lokal na pamahaalaa. Noong Hunyo, pumalit ang Metro Pacific Water, isang subsidyaryo ng Metro Pacific Investments Corp. ni Manny Pangilinan, bilang pansamantalang opereytor, alinsunod sa isang city ordinance na nagpapahintulot sa lungsod na magtalaga ng interim operator habang may state of emergency.
Sa kabila nito, nagpapatuloy parin ang mga suliranin ng mga residente, tulad ang matagal na pagkawala ng suplay, hindi regular na water rationing, kalawangin o maruming tubig, at mataas na singil sa serbisyo simula noong Mayo.
Ayon kay Marcus Baltazar, tagapagsalita ng cWater for the People Network-San Jose del Monte, hindi regular ang water rationing sa ilalim ng Metro Pacific Water sa maraming barangay, kabilang na rito ang Minuyan Proper kung saan siya nakatira dahil limitado ang tubig at inuuna ang mga lugar na lubhang walang suplay.
Sa ilang barangay tulad ng Santo Cristo at ilang bahagi ng San Jose del Monte, nakasalalay sa inisyatiba ng mga barangay ang water rationing sa halip na sa operator, ani Baltazar. May mga barangay ding nagtayo ng sarili nilang water tank upang may mapagkunan ng tubig ang mga residente tuwing nawawalan ng suplay.
Nananawagan ang grupong Water for the People Network na ibalik sa lokal na water district ang serbisyo sa tubig sa syuda at wakasan ang pribatisasyon ng serbisyo ng tubig.
The post Karapatan sa tubig, ipinanawagan ng mga residente sa isang torneyo sa basketball sa San Jose Del Monte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

