Nagprotesta ang mga residente ng Floating Area, Barangay Caingin, Meycauayan City, Bulacan noong Agosto 25 para batikusin ang lokal na konseho ng barangay sa ginagawa nitong panggigipit. Nagtipon sila sa harap ng barangay hall para ipaabot sa kapitan at mga upisyal ng barangay ang kanilang hinaing.

Simula Agosto 21, pinagbawalan at hinarang ng barangay ang paglabas-pasok ng sasakyang ginagamit ng mga residente para sa kanilang hanapbuhay. Ang sasakyan ay kinakargahan ng mga plastik na nakokolekta, nililinis at ibinebenta ng mga residente sa isang pabrika sa sentro ng syudad.

Ayon sa mga residente, walang kahit anong abiso ang barangay kaugnay ng patakaran. Ang agarang pagbabawal ay nagkait sa kanila ng mapagkakaitan. Isinali pa ng barangay ang pagbabawal na magpasok ng mga bottled water sa komunidad. Anila, ang mga hakbang na ito ay paglabag sa kanilang karapatan sa lupa, paninirahan at kabuhayan.

Matagal nang laban ng mga residente na ipamahagi ang lupa dito sa mga pamilyang matagal nang naninirahan at naghahanapbuhay sa barangay.

Nakiisa sa pagkilos ang Defend Jobs Philippines. “[Ito] ay laban para sa seguridad sa paninirahan, proteksyon sa kabuhayan at karapatan sa lupa,” ayon sa grupo.

Dumalo rin sa pagkilos si Bishop Bellaser “Kiko” Herrera ng Independent Eastern Catholic Church at isa sa mga katuwang ng mga residente sa Floating Area. “Tila ang mismong punong barangay ang nagdidikdik at naglulubog sa mga taga-Floating. Imbes na iahon, siya pa ang naglulubog nito,” ayon kay Herrera.

Humiling siya ng dayalogo sa kapitan ng barangay ngunit tinanggihan ito ng upisyal. Nanawagan ang obispo sa kapitan na humarap sa mga residente at tugunan ang kanilang hinaing.

The post Panggigipit ng mga upisyal sa barangay sa Bulacan, binatikos ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.