Mahigit 70 kababaihang magbubukid mula sa walong munisipyo ng Negros Occidental ang nagtipon sa Bacolod City noong Agosto 16 para palakasin ang kanilang pagkakaisa. Ang pagtitipon ay bahagi ng muling pagtatatag ng balangay ng Amihan National Federation of Peasant Women sa buong Negros Island.
Dumalo sa pagpupulong at nagbigay ng oryentasyon ang pambansang pangkalahatang kalihim ng Amihan na si Cathy Estavillo. Tinalakay sa pulong ang pambansang kalagayan ng kawalang-lupa sa buong bansa, pagpapalit-gamit ng lupa, at ang neoliberal na mga patakarang humahambalos sa mga magbubukid. Naging paksa rin ng mga talakayan ang korapsyon at burukrata-kapitalismong naglilingkod sa interes ng mga dayuhang korporasyon at iilang negosyante sa bansa.
Inaral ng kababaihan ang ilang siglo nang pag-iral ng sistemang asyenda kung saan hindi sapat ang sahod ng mga manggagawa, ang pagsira sa mga lupang agrikultural para palitan ng mga solar farm, plantasyon ng palm oil at mga poultry farm. Pinalalim rin ang paggamit ng rehimeng Marcos at World Bank sa programang SPLIT (Support to Parcelization of Lands for Individual Titling) na naglalayong hati-hatiin ang kolektibong lupa ng mga magsasaka sa isla.
Binaybay rin ang kasaysayan at ang nagpapatuloy na paglaban ng mga magsasaka at kababaihang magbubukid para sa lupa, kabuhayan at buhay. Sa huli, binuo ng kababaihang magbubukid ang isang preparatory committee na mangangasiwa sa pagpapatakbo hanggang maitatag ang balangay ng Amihan Negros.
Nagpaabot ng pagbati sa pagkakabuo ng komite ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Negros, National Federation of Sugar Workers at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Negros.
The post Pagkakaisa ng kababaihang magbubukid sa Negros, pinalalakas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

