Naglunsad ng piket protesta ang mga manggagawa ng Calabarzon sa Calamba City, Laguna noong Agosto 25 para muling ipanawagan ang pagtataas sa arawang sahod tungo sa nakabubuhay na antas. Matapos ang protesta, nagtungo sila sa isang resort sa Barangay Pansol para dumalo sa isinagawang pampublikong pagdinig ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region IV-A para sa dagdag sahod.
Ang pagkilos ng mga samahan at unyon ay pinangunahan ng Workers’ Initiative for Wage Increase (WIN4WIN)-Southern Tagalog. Kabilang sa mga dumalo sa pagkilos at pagdinig ng ahensya ang Metal Workers’ Alliance of the Philippines (MWAP).
“Dagdag na rin sa layunin ng protesta ay ang patuloy na pagdidiin ng kadikit na panawagan sa pagbasura sa lumalalang kontraktwalisasyon at pagpapababa ng mga presyo ng batayang bilihin upang makaagapay sa kabuhayan ng mga manggagawa at kanilang pamilya,” pahayag ng MWAP.
Inihayag ng mga manggagawa ang kanilang hinaing at mga panawagan sa pagdinig ng RTWPB Region IV-A. Ayon sa ahensya, ang aktibidad ay pagbibigay-puwang at kunsidersayon sa boses ng mga manggagawa. Ang susunod na pagdinig ay ilulunsad sa Agosto 27 sa Lipa City, Batangas.
Gayunman, ang ganitong mga pagdinig ay taun-taong isinasagawa ng mga RTWPB sa kada rehiyon para lamang palabasing pinakikinggan ang hinaing ng mga manggagawa. Sa nagdaang mga taon ay iginigiit na ng mga manggagawa ang ₱1,200 family living wage ngunit paulit-ulit na barya-barya at hati-hati ang ibinibigay na dagdag sahod ng RTWPB.
Noong 2025, sa bisa ng Wage Order No. IVA-22 RTWPB Region IV-A ay itinaas nito ang sahod nang ₱25 hanggang ₱100 ngunit hinati sa dalawang bigayan. Ibinigay ito noong Oktubre 5, 2025 at Abril 1, 2026. Kasalukuyang nasa ₱508 hanggang ₱600 ang minimum na sahod sa rehiyon. Sa datos ng RTWPB IV-A, mayroong tinatayang 1.3 milyong manggagawang sumasahod ng minimum sa rehiyon.
The post Nakabubuhay na sahod, panawagan ng mga manggagawa ng Calabarzon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

