Hinarang at ipina-blotter ng gwardya ng Sanjia Steel Corporation ang tangkang pagpasok ng mga sundalong Amerikano, kasama ang ilang kinatawan ng Philippine Veterans Investment Development Corporation (Phividec), sa pabrika ng kumpanya sa Barangay Zena, Tagoloan, Misamis Oriental noong Agosto 19. Ayon sa mga ulat, iginiit ng mga sundalong Amerikano na pasukin ang pabrika para “inspeksyunin” ito. Walang maipakitang permiso at dokumento o anumang sulat o legal na awtorisasyon ang mga sundalo kaya hindi sila pinayagang pumasok ng nag-iisang gwardya at ilang mga sundalong Pilipino na itinalagang gwardya roon. Pormal na idinulog ng gwardya ang pangyayari sa Tagoloan Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon.

Nagbunsod ng galit ang insidente dahil sa kawalang pagsasaalang-alang ng mga tropang Amerikano sa mga lokal na batas, kalagayan ng mga sibilyan at soberanya ng Pilipinas. Kaisa sa galit na ito ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

“Ipinakikita ng insidenteng ito ang aroganteng pag-aasta at paghahari-harian ng mga sundalong Amerikano sa loob ng teritoryo ng Pilipinas,” pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido.

Dahil sa nalikhang alingasngas at pagtutol, napilitan ang US embassy sa Maynila na linawin na ang “pagbisita” ng mga tropang Amerikano sa pabrika ay para lamang “tasahin” kung maaari ba itong gamitin para sa isasagawang Balikatan war games sa 2027. Ang Phividec na target ng isasagawang war games ay isang sibilyang engklabo sa ekonomya kung saan matatagpuan ang maraming mga pabrika, isang mayor na planta ng enerhiya at internasyunal na komersyal na daungan.

“Lalong hindi katanggap-tanggap na dahilan na paghahanda lamang sa Balikatan ang pakay ng mga sundalo sa Tagoloan,” ayon kay Valbuena. “Ang dapat sa mga Amerikanong sundalo ay umalis sa Tagoloan at sa Pilipinas mismo, at tigilan ang pagkaladkad sa mga Pilipino sa gera ng US sa China. Habang namamayagpag ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas, nanganganib ang kaligtasan ng buong bansa,” dagdag ni Valbuena.

Binweltahan rin ni Valbuena ang rehimeng Marcos, laluna ang kalihim ng Department of National Defense nito na si Gilbert Teodoro.

“Malakas ang loob ng mga sundalong Amerikano na maghari-harian sa Pilipinas dahil sa todo-todong pagsunod ng rehimeng Marcos, lalo ang upisyal nitong si Teodoro,” aniya. Tinawag niya si Teodoro na nangungunang “tuta ng Kano” sa pagsira sa kabuhayan at pagpapahamak sa mga Pilipino.

Noong Mayo, ipinasara ni Teodoro ang pabrika ng Sanjia dahil nakadikit ito sa lupang pagtatayuan ng isang baseng nabal para sa gamit ng mga barkong ng US. Sinalakay noon ng mga sundalo at pulis ang planta sa pagdadahilang gumagamit ito ng mga “radioactive material.” Ilang manggagawa nito na Chinese ang iligal na inaresto pero agad ring pinakawalan.

Dahil sa pananalakay, nawalan ng trabaho ang mahigit 600 manggagawang Pilipino at nabigo silang makakuha ng sahod at subsidyo mula sa pabrika. Nakasara ang pabrika mula Hunyo dahil sa isinampang kaso laban sa mga may-ari nito. Nakaugnay sa mga Chinese na personalidad ang pagmamay-ari ng pabrika.

Nitong Agosto, isang pabrika naman sa Davao na pagmamay-ari ng isang kapitalistang Chinese ang sinalakay at kara-karaka ring ipinasara ng rehimen. Katulad sa Sanjia, nagresulta ito sa biglang pagkawala ng trabaho ng daan-daang manggagawang Pilipino at pagbagsak ng kanilang pamumuhay. Dahil sa kawalan ng tamang proseso, wala silang nakuhang benepisyo sa pagsasara ng pabrika, at walang katiyakang maibabalik ang kanilang mga trabaho.

Ayon kay Valbuena, sadyang kakambal ng paglawak ng presensya ng mga tropang Amerikano ang pagkawala ng trabaho, pagbagsak ng kabuhayan, pagpapalayas sa lupa at pagkasaid ng mga rekurso ng mga Pilipino. Makikita ito sa pagpapalayas sa mga Aeta sa Tarlac kung saan itatayo ang isang Pax Silica hub, mga pagbabawal na maglayag ng mga mangingisda sa Cagayan Valley, Zambales at Aurora tuwing may Balikatan, sapilitang pagbabakwit ng mga magsasaka sa Camarines Sur dahil sa Salaknib at marami pang iba.

“Matingkad na paalala ang insidente sa Tagoloan sa kagyat sa pangangailangan na puspusang ibunyag at labanan ang presensya at pangingialam ng mga tropang Amerikano sa iba’t ibang sulok ng bansa, at lalupang magpunyagi para ipagtanggol ang kabuhayan, rekurso at lupa ng mga Pilipino, gayundin ang ating soberanya.”

The post Tangkang pagpasok ng mga sundalong Amerikano sa pabrika sa MisOr, ipina-blotter appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.