Nagprotesta ang mga manggagawa ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) sa upisina ng Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) sa Maynila noong Agosto 24. Sa pangunguna ng Unyon ng mga Manggagawa ng Harbour Centre (UMHC), binatikos nila ang ahensya sa kainutilan nitong protektahan ang karapatan ng 378 manggagawang tinanggal sa pyer noon pang Enero 2020.
Isinagawa ng kumpanya ang tanggalan sa tabing ng kunwa’y pagtatapos ng kontrata nito sa labor agency na Grasials Corporation. Nilabanan ito ng mga manggagawa at iginiit ang kanilang pagbalik sa trabaho. Noong Setyembre 2021, kinatigan sila ng Korte Suprema at inutusan ang kumpanya na ibalik sila sa trabaho at kaakibat nitong kabayaran.
Limang taon makalipas, hindi pa rin sila ibinabalik sa trabaho at wala nang ginagawa ang DOLE-NCR para tiyaking sundin ang kautusan. “Limang taon nang naghihintay ang mga manggagawa. Ikatlong apela na para sa implementation! May desisyon na, may finality na, implementation na lang ang hinihintay!” galit na pahayag ng UMHC.
Patuloy rin ang panawagan ng unyon para sa pananagutan sa marahas na pagbuwag sa kanilang kampuhan sa Road 10, Maynila noong Nobyembre 2022. Nasa likod ng pagbuwag sa kampuhan ang mga maton at tauhan ng HCPTI. Ang kumpanya ay pag-aari ng kapitalistang si Reghis Romero.
Si Romero rin ang itinuturong nasa likod ng mapangwasak na ₱26-bilyong waste-to-energy (WTE) incinerator sa Barangay 128, Smokey Mountain, Maynila. Ang proyekto ay isang 100 megawatt na WTE Incineration Plant na itinutulak ng Manila Integrated Environment Corp. (MIEC), kumpanyang kontrolado ng Phil. Ecology Systems Corp. (PHILECO) na pag-aari n Romero. Suportado ito ng kumpanyang Japanese na Kanadevia Corporation at nakabalangkas ang pagtatayo sa malawakang Port Modernization sa kahabaan ng pantalan sa Maynila.
Habang tuluy-tuloy ang panawagan ng mga manggagawa para ipatupad ang pagbabalik-trabaho, hinihingi nito sa gubyerno ang pagbibigay ng suportang pinansyal at tulong para sa mga nawalan ng trabaho. Gayunman, idiniin ng unyon na batid ng mga manggagwa na hindi ito kapalit ng regular na trabaho at hustisya.
The post Mga manggagawang tinanggal sa Harbour Centre, muling nagprotesta sa DOLE-NCR appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

