Libu-libong Korean at kanilang mga tagasuporta ang nagmartsa sa Seoul, kapitolyo ng South Korea, noong Agosto 15 para gunitain ang ika-81 National Liberation Day ng bansa. Bahagi ng mga pagkilos ang pagbatikos sa umiigting na militarismo ng imperyalismong US at ang patuloy nitong pagkontrol sa ekonomya ng South Korea sa pamamagitan ng nakasasakal na mga taripa.

Ayon sa mga ulat, kabilang sa hanay ng 10,000 nagprotesta ang mga manggagawa sa ilalim ng Korean Confederation of Trade Unions (KCTU). Bahagi ang naturang pagkilos ang malapad na 2026 August 15 Independence and Peace March Organizing Committee.

Kinundena ni Yang Gyeong-su, tagapangulo ng KCTU, ang nagpapatuloy na paggamit ni US Pres. Donald Trump sa taripa bilang sandata upang ipilit ang pamumuhunan at pandarambong nito sa South Korea. Aniya, bahagi ito sa pakikialam ng US sa lokal na ekonomya ng bansa. Nanawagan siya na patibayin ang kasalukuyang pakikibaka laban sa US at mga imperyalistang gerang agresyon nito.

Dagdag rito, kinundena sa pagkilos ang Ulchi Freedom Shield (UFS) 2026 na taunang war games ng imperyalismong US at pwersang militar ng Republic of Korea (ROK). Layunin nitong magpakitang-gilas ng lakas militar laban sa mga katunggaling bansa tulad ng North Korea at China. Nakatakda ito mula Agosto 17 hanggang Agosto 27 ngunit biglang ipinahinto noong Agosto 21 sa utos ni US Pres. Trump.

Kabilang din sa lumahok sa pagkilos sa Seoul ang mga Korean na naninirahan sa US at dayuhang bahagi ng Jaju Solidarity Brigade na inorganisa ng Nodutdol for Korean Community Development alinsunod sa kampanya nitong “US Out of Korea.” Ayon sa Nodutdol, ito ang kauna-unahang internasyunal na delegasyon para lumahok sa taunang protesta sa National Liberation Day.

Hindi bababa sa 21 internasyunal na mga kontra-gera at progresibong organisasyon mula US, Hawai’i, Puerto Rico, Guåhan (Guam), Pilipinas at India ang bahagi ng delegasyon. Bago ang paglahok sa malaking protesta, isang linggo silang umikot at bumisita sa mga base militar ng US para alamin ang kalayagan at epekto ng presensyang militar ng US sa mga komunidad. Nagpunta sila sa Gusan Air Base, Camp Casey at Camp Humphreys.

Ayon kay Chrisley Carpio, myembro ng standing committee ng Freedom Road Socialist Organization ng US, binista ng delegasyon ang mga bantayog ng mga batang pinatay ng mga tropa ng US, ang malalaking libingan ng mga bilanggong pulitikal na lumaban sa pananakop ng US, at ang mga lupang inagaw mula sa mga Korean para pagtayuan ng mga base. “Hindi lamang ito mga lugar ng trahedya, kundi ng pakikibaka…mayroong kilusan, kampanya, at panawagan,” aniya.

Kasama rin sa mga lumahok sa pagbisita sa South Korea ang mga myembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Ayon sa Bayan-USA, mahigpit silang nakikiisa sa lahat ng mga pagsisikap para palayasin ang US mula sa South Korea hanggang sa Plipinas. “Ang presensyang militar ng US ay patuloy na naghahatid ng panganib sa ating mamamayan,” pahayag ni June Colcol, pangkalahatang kalihim ng Bayan-USA.

Dumalo sa pagkilos ang pangkalahatang kalihim ng Bayan Philippines na si Raymond Palatino. Nagpahayag ng mahigpit na pakikipagkaisa ang Bayan sa mamamayang Korean sa paggigiit sa pambansang soberanya at pagbatikos sa UFS 2026 at ang pagpapalawak ng militarismo ng US. “Ayaw naming makaladkad sa gerang proxy ng US, na ginagamit ang aming mamamayan bilang pambala sa kanyon, at ang aming lupa bilang mga palaruan ng gera at lunsaran ng pagpapakitang-gilas sa militar ng US,” ayon sa talumpati ni Palatino sa programa.

Sa pahayag ng Nodutdol, naging matagumpay ang Jaju Solidarity Brigade dahil pinalakas nito ang kanilang loob at kahandaan na mag-organisa at magmulat sa mga mamamayan sa kanilang uuwiang mga bansa hinggil sa kalagayan ng South Korea. “Ang progresibong kilusang masa ng South Korea ay nangangailangan ng pakikipagkapatiran ng buong mundo dahil ito ay nakikibaka upang maibalik ang soberanya ng mamamayang Koreano pagkatapos ng mahigit isang siglo ng imperyalistang dominasyon. Ang kilusang ito na para sa kapayapaan at pagpapalaya ay para sa interes ng buong sangkatauhan,” ayon sa Nodutdol.

The post Libu-libong Korean, nagmartsa para palayasin ang tropa ng US sa Korea appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.