Nagpahayag ng pakikiisa ang mga pambansa-demokratikong pwersang Pilipino sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa mamamayang Korean laban sa ginanap na Ulchi Freedom Shield (UFS) war games ng pwersang militar ng US at Republic of Korea (ROK) noong nakaraang linggo sa South Korea. Ayon sa grupo, pinaiigting nito ang tensyon at gitgitang militar sa Asia na maghahatid ng kapahamakan sa mamamayan ng rehiyon.

Ang UFS war games ay taunang war games ng US at South Korea na layuning magpakitang-gilas ng lakas militar laban sa mga katunggaling bansa tulad ng North Korea at China. Nagsimula ang war games noong 1976 sa katawagang Ulchi-Focus Lens na pinalitan ng Ulchi Freedom Guardian noong 2008 hanggang 2018 at Ulchi Freedom Shield mula 2022.

Kahit pinalalabas na depensibo ang war games, karaniwang nagpapadala ng ilampung-libong tropang militar ang US sa Korea para rito. Dagdag ito sa 28,000 tropang Amerikano sa hindi bababa sa 80 base militar sa South Korea. Nag-eensayo sila sa padedeploy ng mga armas nukleyar at paghahanda sa mga pag-atake sa Democratic People’s Republic of Korea (DPRK) ng North Korea. Nagiging sagka ang war games para sa tuluy-tuloy at tunay na diplomatikong negosasyon ng ROK sa DPRK para sa pagkakaisa ng Korean Peninsula.

Ang UFS 2026 ay unang nakatakdang isagawa mula Agosto 17 hanggang Agosto 27, ngunit bigla itong pinaiksi hanggang Agosto 21 sa utos ng pangulo ng US na si Donald Trump. Ang biglaang pagpapatigil ay pagpapanggap ni Trump ng “magandang relasyon” sa DPRK sa pamumuno ng Supreme Leader nitong si Kim Jong-un. Ikinagulat naman ito ng mga upisyal ng gubyerno ng ROK.

Ayon sa Bayan, ang UFS 2026 ay nagpapalakas lamang sa adyenda sa gera ng US sa Korean Peninsula at Asia. “Ang mga ehersisyong ito ay hindi para sa pagtataguyod ng kalayaan o ni ng kapayapaan sa rehiyon,” pahayag ni Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng grupo. Dagdag niya, malayo man ang Pilipinas sa South Korea ay direktang naapektuhan nito ang mga Pilipino lalo na at nagpapanatili ng mga base at pasilidad ang US sa bansa.

“Agresibo nitong isinusulong ang pagpaparami ng pwersang militar na nakabatay sa imperyalistang doktrina sa seguridad na First Island Chain mula Korea at Japan, hanggang sa Pilipinas, at maging hanggang sa North Borneo,” ayon kay Palatino. Bahagi nito ang malalaking war games sa Pilipinas na Balikatan, sa Japan na Resolute Dragon Valiant Shield, at ang UFS sa South Korea.

Dagdag pa ni Palatino, ang lahat ng mga war games na ito ay magastos, mapang-abala sa lokal na populasyon at nang-uudyok ng tunggalian sa paggamit sa mga bansa kung saan ito isinasagawa bilang mga “forward operating base” ng US. “Ayaw naming makaladkad sa gerang proxy ng US, na ginagamit ang aming mamamayan bilang pambala sa kanyon, at ang aming lupa bilang mga palaruan ng gera at lunsaran ng pagpapakitang-gilas sa militar ng US,” ayon pa sa kanya.

Nagpahayag ng mahigpit na pakikipagkaisa ang Bayan sa mamamayang Korean sa paggigiit sa pambansang soberanya at pagbatikos sa UFS 2026 at ang pagpapalawak ng militarismo ng US. “Ang ating pagkakaisa, pakikipagkapatiran, at pakikibaka ay mas malakas para sa pagbubuo ng kalasag ng mamamayan mula Korea hanggang Pilipinas para talunin ang imperyo ng US,” ayon kay Palatino.

Pagkakaisa ng mga Pilipino at Korean sa US

Sa mismong kuta ng imperyalismong US, naglunsad ng magkakasanib na demonstrasyon ang mga Pilipino at Korean para batikusin ang UFS war games at ang presensya ng US sa South Korea. Sa pangunguna ng Nodutdol for Korean Community Development at Bayan-USA, inilunsad sa ilalim ng kampanyang “US Out of Korea” ang mga pagkilos noong Agosto 15.

Itinaon ito sa paggunita sa Liberation Day sa Korea o ang paglaya ng bansa sa pananakop ng Japan noong 1945. Sinuportahan ito ng Freedom Road Socialist Organization na organisasyon ng mga Amerikano.

Nagkaroon ng mga pagkilos sa New York City, San Francisco, Los Angeles, Seattle at Minneapolis. Mahigit 600 mga estudyante, manggagawa, migrante at mga pwersang kontra imperyalistang gera ang lumahok sa mga pagkilos.

“Hanggang ngayon, ang mga imperyalistang ambisyon ng US ang nagtutulak sa mga tensyon at nagbabanta sa kapayapaan sa Korea at sa mas malawak na rehiyon ng Pacific,” ayon kay Miyeon Jang ng Nodutdol. Nagpahayag siya ng mahigpit na pakikiisa sa mga kababayan sa Korea sa panawagang wakasan ang militarismo ng US at okupasyon sa Korea.

“US Out of Korea! US Out of the Philippines! From Korea to the Philippines, stop the US War Machine!” panawagan naman ng Bayan-USA.

The post Mga Pilipino, nakiisa sa pagkundena sa Ulchi Freedom Shield war games, presensya ng US sa South Korea appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.