Naglabas ng mga pahayag ng pagbatikos ang iba’t ibang grupo at samahan ng mga guro at propesor sa mga paaralang elementarya, hayskul at kolehiyo sa pang-iinsulto sa kanila ng Malacañang sa pamamagitan ng tagapagsalita nitong si Claire Castro. Noong nakaraang linggo, sinabi ni Castro na tinuturuan ng mga guro na maging “walang modo” ang mga bata na siyang dahilan kung bakit tumitindi ang kultura ng karahasan sa mga eskwelahan.
Ang pahayag ni Castro ay kasunod ng insidente ng pamamaril ng isang estudyante ng hayskul sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) sa Zamboanga City noong Agosto 18. Napatay sa insidente ang isang estudyante habang nagbaril sa sarili ang imbwelto sa pamamaril.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, ang pahayag ni Castro ay pagbubunton ng sisi sa iba para takasan ang sariling pananagutan ng gubyerno sa pag-iral ng kultura ng karahasan sa bansa. Anang grupo, isinasaisantabi nito ang mga suliranin ng karahasan na nakaugat sa mas malalim na krisis na ang gubyerno mismo ang lumikha at nagpatuloy.
“Kaming mga guro ay kabilang sa mga biktima ng kulturang ito ng karahasan,” pagdidiin ng ACT Philippines. Ayon sa grupo, sa loob ng mga dekada ay nagdusa ang mga guro sa paulit-ulit na kapabayaan ng gubyerno, kawalan ng sapat na suporta, kahabag-habag na kalagayan sa trabaho, napakabigat na trabaho, at mga pag-atake sa karapatan at kalayaan.
Dagdag ng ACT Philippines, pinalulubha pa ang sistemikong karahasan ng gubyerno sa dinaranas nilang panggigipit at pag-atake mula sa mga pwersa ng estado. Kabilang dito ang pagyurak sa karapatang mag-unyon, panunupil, pananakot, at pagpatahimik sa mga tumutol.
“Sa halip na harapin ang mga katotohanang ito, muling inililihis ng administrasyong Marcos Jr ang atensyon ng publiko palayo sa sarili nitong mga kabiguan,” ayon sa ACT Philippines. Anito, habang pinangangaralan sila sa usapin ng mabuting ugali at disiplina ay pikit-mata ang rehimeng Marcos sa lumalalang korapsyon sa bansa, at binubundat ang pulis at militar habang kulang na kulang ang inilalaan sa edukasyon.
Lalong ikinagalit ng mga guro sa mababaw na paghingi ng patawad at pagtatanggol ni Castro sa kanyang pahayag matapos ulanin ng batikos. Sinabi ni Castro na nagkamali lamang ng interpretasyon ang publiko at simpleng “pang-iintriga” ang galit at pagkadismaya ng mga guro sa kanyang pahayag.
“Dapat itigil ng gubyerno ang paninisi sa mga guro at harapin ang sarili nitong ginagawa. Ang krisis sa ating mga paaralan ay nangangailangan ng pananagutan at tunay na dedikasyon sa pagbibigay-prayoridad sa edukasyon,” ayon sa grupo.
The post Pang-iinsulto ng tagapagsalita ng Malacañang sa mga guro, malawakang binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

