Isandaan at tatlumpung taon na sa araw na ito ang hudyat ng rebolusyon ng mga Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) laban sa pananakop ng Kastila. Isang mapagpasyang hibik kasabay ng simbolikong pagpunit sa sedula na kumikilala sa paghahari ng Espanya—ito ang nagsimula ng pambansa demokratikong armadong paglaban para palayain ang bansa sa pananakop ng Kastila at para makamit ng uring magsasaka ang lupang mabubungkal.

Isang siglong mahigit, pero napakanapapanahon pa rin ang pambansa domokratikong mithiin ng sambayanang Pilipino para makalaya mula sa pagkakasaklot sa kuko ng imperyalismong US at magtamasa ng lupang mabubungkal ang mayoryang uring magbubukid sa bansa.

Walang duda na hanggang ngayon ay nananatili ang paghahari ng imperyalismong US sa bansang Pilipinas sa lahat ng aspeto ng buhay panlipunan nito—pampulitika, pang-ekonomya, pangkultura, pagmilitar at ugnayang panlabas. Pamalagian nilang tinitiyak ang kontrol sa papet na reaksyunaryong gubyerno, laluna sa AFP-PNP. Sa pamamagitan ng pasismo, buhos ng pera at samu’t-saring manipulasyon sa eleksyon, nailuluk nila ang presidenteng papabor sa kanilang interes kagaya ng tutang si Ferdinand Marcos Jr. Dahil tuta si Marcos Jr at kontrol sa papet na estado, nagawa ng US na ikumpas at ipataw ang mga patakarang pumapabor sa kanya pangunahin para sa sariling interes sa Asia Pacific.

Walang kaparis ang pagpapakatuta ni Marcos Jr sa US. Lampas 500 war exercises na ang isinagawa ng tropang Amerikano sa bansa bilang paghahanda sa gera nito sa China. Kabilang dito ang mga inilunsad sa Timog Katagalugan partikular sa Quezon at Palawan. Nagpapakana pa ang US na magparami ng base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Sa ilalim ni Marcos Jr., sa rehiyon ay idinagdag ang Balabac Island sa Palawan at pinaplanong gawing airport sa Sangley Point sa Cavite para sa sibil-militar na gamit. Kahit ang peligrong hatid ng pagpapalipad at pagpapasabog ng Tomahawk missile ay kanyang pinahintulutan nang walang pagsasaalang-alang sa daraanang sibilyang populasyon at kabuhayan ng napakamapamuksang sandatang pandigma ng US.

Walang kahihiyang ikinakampanya ngayon ng rehimeng US-Marcos II ang proyektong Pax Silica sa kabila ng maingay at malaganap na pagtutol ng magsasaka at katutubong apektado, at kahit ng karaniwang Pilipino na nakakaintindi sa panganib ng industrial hub na planong itayo sa bansa. Hindi pa man nagsisimula, niyuyurakan ng multi-bilyong dolyar na proyektong pangteknolohiyang ito ang soberanya ng bansa. Wala na ngang karapatan ang mamamayang Pilipino sa mga lupang inilaan para sa Pax Silica, huhuthutin pa ang rekursong mineral ng bansa para sa proyekto.

Sa patuloy na pagkubabaw ng imperyalismong US sa sambayanang Pilipino, nagpapatuloy ang masidhing demokratikong mithiin ng magsasaka para sa lupang mabubungkal. Wala pa ring saligang pinag-iba ang kalagayang ito noong kontrol ng mga Kastila at lokal na ahente nitong panginoong maylupa ang malawak na lupain sa bansa, hanggang ngayon,nagbago lamang ng mga tao at pinalitan ng US angEspanya.

Ang mga kalagayang ito ang mismong dahilan ng pagkakatatag ng KKK na pinamunuan ni Gat Andres Bonifacio at nagpakilos sa malawak na hanay ng masang anakpawis sa buong bansa. Kabilang dito ang mamamayan ng Timog Katagalugan kung saan ang mga probinsya nito ay kabialng sa matatatag na balwarte ng KKK. Nararapat na ang kabataan ng kasalukuyang henerasyon ay matuto sa kanyang kasaysayan at tulad ng KKK ay mapagpasyang piliin ang landas ng armadong paglaban. Marapat na humugot ng inspirasyon sa pakikibaka ng mga Katipunero ang mga kasalukuyang rebolusyonaryo para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Kailangang taglayin ang katatagan at katapangang di nagmamaliw anuman ang mga kahirapan, mga karahasan at terorismo na ipinapataw ng imperyalismong US kasabwat ang pasistang estado.

Sa araw ng paggunita ng buong bansa sa tinaguriang “Sigaw sa Pugadlawin”, muli nating ipanata na ipagpapatuloy hanggang maipagtagumpay ang hindi natapos na pambansa demokratikong rebolusyon nina Bonifacio at ng KKK. Ang hibik ng sambayanan na noon pa ma’y sigaw na ng pag-aaklas at kahandaang mag-armas laban sa mga mapanakop at kanilang kasabwat na mga lokal na naghaharing uri ay nananalaytay pa rin sa bagong henerasyon ng kabataang Pilipino. Hinahamon ng MGC-NPA ST ang malawak na mamamayang Pilipino laluna ang mga kabataan na tumugon sa panawagan para kamtin ang ganap na kalayaan. Pinakamataas na anyo ng pagdakila sa mga bayaning Katipunero ang pagsunod sa kanilang yapak hanggang makamit ang hinahangad na tagumpay ng daantaong pakikibaka.

The post Tuloy-tuloy na paalingawngawin ang sigaw ng himagsikan laban sa imperyalismong US! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.