Bilang paggunita sa ikaapat na taong pagkamartir ng mag-asawa at dinadakilang mga lider ng Communist Party of the Philippines na sina Benito “Ka Laan” Tiamzon, Wilma “Ka Bagong-tao” Austria-Tiamzon at walo pa nilang kasamahan na tinaguriang Catbalogan 10, muling pinaaalab ng mga rebolusyonaryong pwersa ang panatang isulong at palakasin ang rebolusyon hanggang kamtin ang tagumpay. Sinasaluduhan at binibigyang-pugay ng NDFP-ST ang Catbalogan 10 at iba pang mga bayani ng rebolusyon sa kanilang ipinamalas na walang-kamatayang diwa ng paglaban para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sila ang nagsisilbing liwanag at gabay sa paglaban ng sambayanan at buong rebolusyonaryong pwersa sa karimlang kumukubabaw sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Hindi makakalimutan ng mamamayang Pilipino at buong rebolusyonaryong hanay ang brutal na pagpaslang ng rehimeng US-Marcos II sa Catbalogan 10 noong Agosto 22, 2022. Dinukot ang Catbalogan 10 habang nagbibyahe sa dalawang van papuntang Catbalogan, Samar. Tinortyur muna ang mga biktima bago pinatay. Isinakay sa bangka ang kanilang mga labi at pinalaot kung saan pinasabugan upang maitago ang karumal-dumal na mga krimen at pinalabas na engkwentro sa dagat ang naganap. Sa pangunguna ng 8th ID at Joint Task Force Storm ng AFP, ikinasa ang isang malawakang operasyon sa Eastern Visayas para matunton ang mag-asawang Tiamzon at ang mga rebolusyonaryong pwersa sa desperasyong wakasan ang rebolusyonaryong kilusan at ang armadong pakikibaka sa buong bansa.
Taliwas sa inaakala ng rehimeng US-Marcos II, ang pagkabuwal ng mga martir ng rebolusyon ay hindi maghuhudyat sa pagkabigo o pagkawasak ng rebolusyonaryong kilusan. Sa kanilang inspirasyon, nagpupunyagi ang kasalukuyang hanay ng mga rebolusyonaryo upang tanganan ang mga naiwang armas at isabalikat ang mga naiwan nilang responsibilidad kahit sa gitna ng pinakamahihirap na kalagayan. Hindi mauubos ang balon ng mga bagong dugong rebolusyonaryo at lider sa ilalim ng lalong nabubulok na estadong walang ibang hatid kundi pagsasamantala at pang-aapi. Tulad ng mag-asawang Tiamzon, sampu ng mga martir ng rebolusyong Pilipino, nagmula sila sa malawak na hanay ng manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, minorya at iba pang aping uri sa lipunan. Sila ay sumasalig sa rebolusyon dahil ito lamang ang nakikita nilang pag-asa at solusyon sa pagdurusang hatid ng pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos II sa interes ng imperyalismo at mga naghaharing-uri sa bansa.
Lalong nalulugmok ang kalagayan ng sambayanan sa mga anti-mamamayan at makaimperyalistang programa at patakaran ni Marcos Jr. Nananatiling nakapako ang sahod ng mga manggagawa para lalong makahuthot ng tubo ang mga kapitalista. Malawakan ang pang-aagaw ng lupa at kumbersyon nito upang ipagkait ang lupang sakahan ng mga magsasaka. Inihahandog ng rehimen ang malawak na lupain ng bansa sa imperyalismong US para dambungin ang likas na yaman at gamitin bilang lunsaran ng nilulutong gera sa Asia Pacific. Lahat nang ito ay buong kataksilang ginawa ni Marcos Jr. upang makapanatili sa poder at magpakasasa sa yaman at kapangyarihan.
Upang madulas na isakatuparan ang imbing pakana, naghasik ng terorismo ang estado sa buong bansa. Sinusupil at pinipipilan ang paglaban ng bayan gamit ang reaksyunaryong batas sa ilalim ng Anti-terror Law. Pinangungunahan ng NTF-ELCAC, AFP at PNP ang pandarahas at ipinapalaganap ang kultura ng impyunidad upang maghari ang lagim at teror sa buong bayan at supilin ang lahat ng anyo ng paglaban.
Nakatudla ang mga rebolusyonaryong patuloy na palakasin ang organisadong hanay at isulong ang militanteng pakikibaka para sa mga makabayan at demokratikong kahingian. Sa gitna ng humihigpit na kapit ng imperyalismong US sa bansa, patuloy na maninindigan ang rebolusyonaryong mamamayang Pilipino sa pangunguna ng CPP para labanan at biguin ang pakana ng US na gamitin ang bansa para sa plano nitong gera. Sa Timog Katagalugan, malakas na tinututulan ang paggamit sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon bilang base militar at parte ng produksyon ng kagamitang militar sa ilalim ng Pax Silica. Patuloy ring ipagtanggol ang mga nakamit nang tagumpay sa pagdedepensa sa lupa, karapatan sa paggawa at iba pang serbisyong sosyal.
Nananawagan ang NDFP-ST sa mamamayan ng rehiyon na ipagpatuloy ang matapang na pakikibaka upang igiit ang kanilang mga interes at karapatan at biguin ang pasistang pang-aatake ng estado. Ang pagkakamit ng hustisya para kina Ka Laan, Ka Bagong-tao, buong Catbalogan10 at lahat ng martir ng rebolusyon ay karugtong ng paghahangad ng bawat aping mamamayan sa hustisyang panlipunan, demokrasya at kalayaan. Makakamit lamang ito sa pamamagitan ng isang determinado’t nagkakaisang pagkilos ng sambayanan upang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon tungong sosyalismo.
The post Isabuhay ang diwa nina Benito at Wilma Tiamzon ng walang kamatayang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

