Kung mababaw lamang na titingnan at magpapadala sa asta ng hibang na si President Donald Trump ng US, masasabing tila namamayagpag ang imperyalismong US at walang hanggan ang lakas nito. Taglay nito ang pinakamalaking arsenal ng mga sandatang pamuksa—mga misayl, jetfighter, mga barkong pandigma, drone, at mga bombang nukleyar, na pawang ginagamit para paluhurin ang lahat sa kanyang kapangyarihan.

Simula pa lamang ng taon, nilusob ng US ang Venezuela, dinukot at ikinulong ang presidente nitong si Nicolas Maduro, para agawin ang yamang langis ng bansa. Hindi pa nasiyahan, dalawang buwan paglipas, nilusob din at tinangkang pabagsakin ang gubyerno sa Iran para rin sa langis. Tuluy-tuloy nitong sinusuportahan ang Zionistang Israel sa henosidyo sa Palestine, na walang pakialam sa pandaigdigang pagtutol dito.

Sa Asia, tuluy-tuloy nitong pinalalakas ang presensyang militar sa Pilipinas, South Korea at Japan, sa hangaring pigilan ang paglaki ng kapangyarihan ng imperyalistang karibal nitong China. Walang tigil ang pagsasagawa ng mga ensayong militar at paghahanda sa gera. Sa Latin America, tuluy-tuloy ang panggigipit at pagbabanta nitong lulusubin ang Cuba at iba pang bansa. Tahasang pinagbabantaan din nito na aangkinin ang Greenland.

Binuo nito ang alyansang Pax Silica na blokeng pang-ekonomya para pahinain ang impluwensya at bentahe ng China sa larangan ng mga semikonduktor at teknolohiya, at isailalim sa US ang kontrol sa mahahalgang rekurso at yaman ng mga bansang kabilang dito. Sa balangkas ng Pax Silica, minamadali ng US ang pagtatayo ng “economic and security zone” sa Pilipinas para sa pagpoproseso ng yamang mineral ng bansa, at ipagkait ito sa China. Balak ilipat dito ang mga “AI data center” na humaharap sa lumalakas na pagtutol sa US dahil sa laki ng kinokonsumo nitong rekursong tubig at kuryente.

Sa mga hakbanging ito, mistulang namamayagpag ang US bilang solong kapangyrihan sa mundo. Ang totoo, ang mga ito ay tanda ng desperasyon ng US na manatiling solo sa tuktok ng mga imperyalistang kapangyarihan, upang angkinin ang yaman ng ibang bansa, at supilin ang mga humahamon sa kanyang paghahari. Labis-labis ngayon nitong binabanat ang kanyang pwersa at inilalantad ang hangganan ng kanyang lakas at bulnerabilidad.

Nabigo itong paluhurin ang gubyerno at mamamayan ng Iran. Maling inakala ng imperyalismong US na mabilis nitong magagapi ang bansa sa pamamagitan ng walang habas na pambobomba. Sa halip, puspusang lumaban at nagtanggol ang Iran sa kanyang soberanya sa pamamagitan ng diplomasya at pagpapatama sa mga base militar ng US sa Middle East. Daan-daan mga radar, drone, sasakyang panghimpapawid ng US ang nawasak.

Malaki ang nabawas sa arsenal ng mga misayl ng US sa ginawang paglusob sa Iran, at gayundin sa tumagal nang gera sa Ukraine. Aabutin ito ng ilang taon bago muling mapunan. Inilipat na ng US ang bahagi ng mga sistema ng misayl nito mula sa South Korea patungo sa Saudi Arabia. Nitong Agosto, inilipat nito ang pinakahuling aircraft carrier sa Asia para suportahan ang operasyon nito sa Middle East. Ito ay dahil mahigit kalahati ng 12 aircraft carrier ng US ay pumapailalim sa pagsasaayos. Naiulat ang dumaraming kaso ng pagpapatiwakal ng mga sundalong Amerikano, dahil sa mababang moral bunga ng lubhang pagtatagal sa dagat.

Ang pagbabanta ng US sa Latin America ay sinalubong ng mahigpit na pagtutol sa Cuba, Colombia, Mexico, Nicaragua at iba pang bansa. Nagbabangong muli ang mga pwersang anti-imperyalista sa Venezuela, na mahigpit na tumututol sa pagkontrol ng mga kumpanyang Amerikano sa yamang langis ng bansa.

Hindi rin lubos na magapi ang paglaban ng mamamayang Palestino sa Gaza at sa West Bank. Habang sila’y naninindigan at lumalaban, dumadarami ang sumusuporta at sumisimpatya sa kanila, bagay na sagka sa plano ng US na simulan ang rekonstruksyon na nakakontrata sa mga kumpanyang Amerikano at Zionista.

Sa kabila ng mainit na retorikang pagwawakas sa pagsalalay sa China, hindi magawa ng US na tuluyang putulin ang lahat ng ugnayan sa ekonomya ng kanyang karibal. Hindi rin nito lubusang magawang magsulsol ng kaguluhan sa Taiwan para gamitin na pang-udyok sa China, lalo’t nagpahayag kamakailan ang lider ng isang mayor na pwersang pampulitika, ang partidong Kuomintang, ng suporta para sa China.

Lumalalim ang lamat sa hanay ng US at mga kaalyado nitong bansa, laluna sa NATO, dahil sa mga unilateral na hakbanging panggegera ng US na kumakaladkad sa mga bansang ito sa digmaan, at ang pagpapataw ng US ng mas mataas na taripa, para bigyang proteksyon ang kanyang lokal na pamilihan at pamumuhunan. Inoobliga rin ng US ang mga kaalyado nitong bansa na dagdagan ang badyet para sa mga gastusing militar, para bawasan ng US ang ambag nito sa “kolektibong depensa” at magamit para sa sariling depensa.

Sa Pilipinas, hindi magapi-gapi ng imperyalismong US ang rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang paglaya na pinamumunuan ng Partido. Nananatiling tinik sa lalamunan ng US ang Bagong Hukbong Bayan, na patuloy sa pagpupunyagi sa armadong pakikibaka para wakasan ang paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas. Ito ay sa kabila ng todong pagbuhos nito ng pondo at mga armas para sa paggapi sa armadong pakikibaka. Ang minamadaling proyektong Pax Silica ay nagsindi ng malawakang pagtutol ng sambayanang Pilipino at nagluluwal ng malawak na sentimyentong anti-US.

Lahat nang ito ay manipestasyon na ang imperyalismong US, sa kabila ng pamamayagpag militar at paghahari-harian, ay isang tigreng papel. Ganito inilarawan ni Tagapangulong Mao ang imperyalismong US noong 1946. Totoo ito noon, tumpak pa rin ito ngayon. Mabangis ang imperyalismong US at nakapaninindak, kung titingnan sa labas, pero inuuk-ok at nabubulok ito sa loob.

Ang pamamayagpag ng US ay tanda ng desperasyon nitong baguhin ang kaayusan sa mundo para lalo pang palawakin ang kanyang pinagkukunan ng rekurso at pamilihan para itambak ang kanyang sobrang kalakal at kapital. Bahagi ito ng tangka na pasikarin ang ekonomyang nilumpo ng suson-suson na krisis, korapsyon, sobrang gastos militar, labis-labis na pangungutang na nagreresulta sa matagalang istagnasyon at malawak na pagdurusa sa mga manggagawa at mamamayang Amerikano.

Tumitindi ang pasismo sa loob ng US, sa hugis ng brutal na kampanyang rasista, anti-imigrante at migranteng manggagawa. Milyun-milyon sa kanila ang bumabangon at lumalaban sa rehimeng Trump.

Hindi nagpapasindak ang aping mamamayan sa buong mundo. Sa Palestine man o Iran, Venezuela, Cuba o Pilipinas, tuluy-tuloy na bumabangon ang mamamayang pinahihirapan ng imperyalismong US, at sumusulong sa landas ng armadong pakikibaka at lahat ng anyo ng paglaban para sa pambansang kalayaan.

The post Tigreng papel ang imperyalismong US, noon hanggang ngayon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.