Mariing binatikos ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR) ang isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa pabrika ng Davao Mighty Steel Corporation (DMS) sa Barangay Ilang, Davao City noong Agosto 13.
Ayon sa grupo, mahigit 300 manggagawa ang biglang nawalan ng trabaho at kabuhayan matapos ipasara ang pasilidad dahil sa mga alegasyon ng paglabag ng kumpanya sa mga alituntunin sa paggawa at pagtatago ng radioactive materials.
Tinutulan ng KMU-SMR ang paglalarawan ng mga awtoridad sa nasabing reyd bilang isang “rescue mission.” Batay sa testimonya ng mga apektadong empleyado, pumasok nang gabi ang mga armadong operatiba, tinutukan ng baril ang mga manggagawa, at pinapila na animo’y para silang inaaresto. May mga ulat na kinuha ng mga pwersa ng estado ang kanilang mga personal na gamit tulad ng selpon at pera.
“Mariing binabatikos ng KMU-Southern Mindanao ang pagtatangka ng gubyerno na ilusot ang operasyong ito bilang isang pangkawanggawang interbensyon habang ipinagwawalang-bahala ang nakapipinsalang epekto nito sa mga manggagawa,” ayon sa pahayag ng grupo.
Dagdag pa nito, matinding takot at kawalan ng katiyakan ang idinulot ng operasyon imbes na kaligtasan. Binigyang-diin ng KMU-SMR na pagkatapos ng reyd, walang ibinigay na pangkagipitang tulong o malinaw na plano ang mga ahensya ng pamahalaan para sa mga napalayas na manggagawang nawalan ng kita para sa kanilang mga pamilya.
“Ang pagmamalabis ng mga ahensya ng tagapagpatupad ng batas ay isa pang patunay na ang gubyerno ni Marcos Jr ay anti-manggagawa at anti-mamamayan,” giit pa ng KMU-SMR.
Nananawagan ang KMU-SMR para sa agarang pagbibigay ng sahod ng mga manggagawa, ayuda at pangkabuhayang suporta habang sarado ang pabrika.
Kinuwestiyon ng grupo ang mabilis na pagpapadala ng mga armadong tauhan sa mga pampublikong operasyon kumpara sa kawalan ng aksyon sa pagbibigay ng direktang tulong pangkabuhayan at proteksyon sa karapatan ng mamamayan.
The post Pagpapasara ng NBI sa pabrika sa Davao, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

