Pormal na inilunsad noong Agosto 15 ang Kulasas for Alyssa Alano (K4A) Network sa Laymans Cafe, Marikina City. Kasama sa aktibidad ang ina at mga dating kaeskwela ni Alyssa sa St. Scholastica’s Academy Marikina (SSAM). Kasabay ng aktibidad, naglunsad sila ng isang “journaling session” upang malikhaing maipahayag ang kanilang pag-alala kay Alyssa at palakasin ang panawagan para sa hustisya para sa Negros 19.

Sa aktibidad, tinalakay ang kalagayan ng Negros na nagbigay ng pangkalahatang larawan ng kawalan ng lupa at mababang kita ng mga magsasakang nagtatanim ng tubo. Ito ang mga dahilan ni Alyssa at marami pang iba para makipamuhay sa mga magsasaka, direktang malaman ang kanilang kundisyon, at makibahagi sa kanilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.

“Ang tunay na pagkamit ng hustisya para sa Negros 19 ay usapin din ng pagkamit ng hustisya para sa nakararami; ibig sabihin, pagbibigay ng lupa sa mga magsasaka at pagpapalakas din ng ating mga pambansang industriya,” paliwanag ni Khallyl Catalan, kasapi ng K4A at tagapagdaloy ng talakayan.

Hinimok ni Sheila Alano, ina ni Alyssa ang mga dumalo na patuloy na suportahan ang network. Aniya, wala pa ring isang salarin ang napanagot, apat na buwan matapos ang masaker sa Negros 19.

Nangako ang mga dumalo sa pagtitipon na patuloy nilang susuportahan ang mga kampanya para sa hustisya para kay Alyssa at sa Negros 19.

Nananawagan ang Kulasas for Alyssa Alano Network sa lahat ng alumni, magulang, mag-aaral, at mga tagasuporta na isabuhay ang Ora et Labora (pananalangin at paggawa).

Ayon sa network, wala nang ibang nanaisin ni Alyssa kundi ang sama-samang makibaka ang mga Kulasa para sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

The post Kulasas for Alyssa Alano Network, inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.