Arbitraryong inaresto ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong myembro ng Kasibu Inter-Tribal Response for Ecological Development (KIRED) na nakabantay sa barikada sa Barangay Pacquet, Kasibu, Nueva Viscaya noong Agosto 19, bandang alas 8:17 ng umaga. Kinagabihan, nagpyansa at nakalaya ang tatlo.
Humigit-kumulang 40 pulis ang nagtungo sa barikada sa Paquet sa tangkang ipasok sa barangay ang isang elf truck na may lamang pitong bariles ng krudo. Ayon sa mga pulis, ito raw ay gagamitin sa pagsasaayos ng kalsada ng Barangay Pao.
Habang isinasagawa ang negosasyon sa pagitan ng mga upisyal ng KIRED at mga kagawad ng Barangay Pao, inaresto ng mga pulis ang babaeng Ifugao-Bugkalot na si Leijin Dugay, ang kanyang ama na si Donny Dugay, at ang isa pang Ifugao na si June Fiataccag. Sinampahan ang mga inaresto ng malubhang pamimilit at pagsuway sa awtoridad.
Ayon sa mga nagbabarikada, nagkaroon na sila ng inisyal na pag-uusap kasama ang mga upisyal ng Barangay Pao hinggil sa paghiram ng mga heavy equipment mula sa lokal na pamahalaan na gagamitin sa naturang proyekto at hindi ang mga gamit ng kumapanya sa mina. Kabilang din sa mga napag-usapan ang lugar na paglalagyan ng krudo sakaling makapasok ang mga ito. Kaya’t nagulat sila sa mga pangyayari at makalipas ng ilang sandali ay dumating ang mga pulis sa barikada.
Giit ng mga residente sa Pacquet, nais nilang matiyak kung ang sasakyan, krudo at mga equipment ay tunay na bahagi ng proyekto ng gubyerno at hindi para sa North Luzon Mineral Resources Corp., bago ito tuluyang papasukin sa lugar.
Bandang 4:20 ng hapon, bumalik ang mga pulis sa barikada para tangkang ilusot muli ang mga bariles ng krudo.
Ayon kay Atty. Ellice Balgos, abugado ng mga inaresto, noong una ay ayaw silang harapin ng mga tauhan ng PNP at pinagbawalang kumuha ng bidyo ng mga hinuli. Pinagbawalan rin ng mga pulis ang mga inaresto na makausap ang kanilang abugado.
“Ma’am, Sir, wag po tayo manghuli kung hindi tayo handa magpaliwanag kung bakit tayo nanghuhuli,” galit na pahayag ni Atty. Balgos hinggil sa panggigipit ng PNP.
Ang mga pag-aresto ay kasunod ng matagal na presensya at pananakot ng mga armadong tauhan ng PNP sa barikada, at ng mga kasong SLAPP (Strategic Lawsuits Against Public Participation) na isinampa laban sa mga lider na tumututol sa pagmimina at mga abugado ng bayan.
The post Pag-aresto ng 3 residenteng kontra-mina sa Nueva Vizcaya, nilabanan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

