Umabot sa mahigit 30 kaso ang isinampa ng mga kinatawan ng Woggle Corporation at North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC) laban sa mga abugado, pari at tagapagtanggol sa kalikasan sa Nueva Viscaya sa loob ng 10 buwan.
Sa press conference na ipinatawag ni Bishop Jose Elmer Mangalinao, Obispo ng Diosesis ng Bayombong, noong Agosto 14 sa St. James the Apostle Parish in Santiago City, Isabela, isiniwalat ng mga nagsalita ang kalagayan ng mga komunidad, tagapagtanggol sa kalikasan, mga lider katutubo, at mga abugadong patuloy na humaharap sa mga kasong may kaugnayan sa kanilang pagtutol sa pagmimina.
Ang mga kaso ay inihain sa Municipal Trial Courts ng Kasibu, Dupax del Norte at Bambang, at sa mga tanggapan ng Provincial Prosecutor ng Nueva Vizcaya at Isabela. Kabilang sa mga kasong isinampa ng mga kumpanya sa mina ay ang cyberlibel laban sa ilang indibidwal kasama ang mga abugado ng grupo.
Ayon kay Atty. Edgardo Balgos, isa sa mga abugadong nakasuhan ng cyberlibel, ang mga kasong isinampa laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan ay maituturing na Strategic Lawsuits Against Public Participation (SLAPP) at isang uri ng panggigipit.
Aniya, may mga probisyon sa Rules of Procedure for Environmental Cases ng Korte Suprema na nagbibigay ng proteksyon laban sa mga kasong ang pangunahing layunin ay mang-harass o manakot sa mga indibidwal na nakikilahok sa mga usapin hinggil sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Atty. Fidel Santos, isa ring abugado na kumakaharap sa kasong cyberlibel, hindi sila titigil sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa mamamayan ng Dupax at Kasibu at sa kanilang mga kliyenteng may mga kasong kinakaharap.
“Matapang kami dahil matatapang ang mga kaparian at kababayan natin doon, at alam namin na nandoon kami sa matuwid at hindi kami titigil sa pagtindig, kasi kung hindi po kami kikibo, sino ang kikibo at kailan pa?” paliwanag ni Atty. Santos.
Giit naman ni Rev. Fr. Christian Dumangeng, kinatawan ng Diosesis ng Bayombong at Station Manager ng DWRV Radyo Veritas, na hindi dapat manahimik ang Simbahang Katolika patungkol sa usapin ng mga isyung panlipunan, laluna kung hinggil sa hustisya, korapsyon, kahirapan, karapatang-tao, kapayapaan at pangangalaga sa kalikasan.
Si Fr. Dumangeng ay isa sa mga nakasuhan ng “forcible entry” dahil sa kanyang pagtindig laban sa mina sa Kasibu, na agad ding ibinasura ng korte. Kasama niya sa kaso si Bishop Jose Elmer Mangalinao at ilan pang mga indibidwal.
Muling nanawagan ang mga kinatawan ng simbahan, abugado at mga tagapagtanggol ng kalikasan ng mas malawak na pagkakaisa at pakikilahok ng publiko sa usapin ng pagmimina, laluna sa mga komunidad na direktang maaapektuhan ng pagmimina sa Nueva Vizcaya.
The post Mahigit 30 kaso, isinampa laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sa Nueva Viscaya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

