Katuwang ang matatanda at grupong Seniors Kontra Kurakot (SKK), naghain ng panukala noong Agosto 13 ang mga mambabatas ng Makabayan Bloc sa House of Representatives para kagyat na itaas ang buwanang pensyon ng mga lubhang mahihirap na matatanda. Inihain nina ACT Teachers’ Rep. Antonio L. Tinio, Gabriela Women’s Rep. Sarah Elago at Kabataan Rep. Renee Co ang House Bill No. 10770 para bigyan ng karagdagang suporta ang matatanda sa harap ng sumisirit na presyo ng pagkain, gamot, yutiliti at iba pang pangangailangan.

Ang panukala ay ibinunga ng nagpapatuloy na adbokasiya ng SKK, ang grupo na nagtutulak ng pananagutan ng estado sa mga matatanda at naggigiit ng karampatang dagdag na alokasyon sa badyet at iba pang serbisyong panlipunan para sa mga senior. Pinamumunuan ang grupo ni Judy Taguiwalo, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development.

Ipinapanukala ng SKK at Makabayan bloc na itaas ang pensyon sa ₱2,000 mula ₱1,000 ang at saklawin sa makatatanggap nito ang mga pensyonado ng Social Security System at Government Service Insurance System na ₱10,000 o mas mababa pa ang nakukuha kada buwan. “Kongkretong hakbang ito sa pagkilalang di lang pasasalamat nating lahat ang karapatdapat na matanggap ng ating mga seniors, kundi pati sapat at sustenidong proteksyong panlipunan,” pahayag ni Rep. Tinio.

Ikinalugod ng SKK ang panukala na anito ay isang importanteng tugon sa lumalawak na panawagan ng mga nakatatanda para sa isang sistema ng proteksyong panlipunan na sapat at saklaw ang lahat. Anito, napakahalang dagdagan ang mga rekurso para sa serbisyong panlipunan sa pamamagitan ng mas maigting pang pananagutan sa paggastos ng gubyerno at ng pagtiyak na binibigyang-prayoridad ang mga susing serbisyo, sa halip na mapunta ang pera ng bayan sa korapsyon, aksaya, at iba pang hindi kailangang gastusin.

“Deka-dekada ng trabaho at serbisyo sa pamilya, komunidad at lipunan ang ambag ng mga nakatatanda. Nararapat nilang matamasa ang isang sistemang pensyon at proteksyong panlipunan na magbibigay puwang para mabuhay sila nang may dignidad, hindi yung iniiwan silang mamuhay nang sobrang hikahos,” ayon sa SKK.

Ang katulad na panukala ay parating inihahain ng Makabayan Bloc sa kada Kongreso para tiyakin ang karapatan at kagalingan ng mga nakatatanda. Gayunman, pamalagian itong ibibimbin ng Kongreso at Senado, at ibinasura (na-veto) ng pangulo nang naipasa ng Kongreso. Sa kabila nito, nanawagan ang SKK sa Kongreso at pambansang gubyerno na suportahan ang panukalang pagtaas at pagpapasaklaw ng programa ng panlipunang pensyon, at tiyaking may sapat na pondong ilalaan sa pagtupad nito.

The post Pagpapataas ng buwanang pensyon ng matatanda, intutulak appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.