Kinundena ng mga grupo at partido ng kabataan at estudyante ang panggigipit at pananabotahe ng 5th ID sa konsultasyon ng kabataan at mga aktibidad ng Kabataan Party-list sa Kalinga noong Agosto 14. Nagtungo sa prubinsya si Kabataan Rep. Atty. Renee Co at ibang lider kabataan para bisitahin at kausapin ang mga upisyal ng lokal na gubyerno at magsagawa ng konsultahang kabataan sa Rizal National School of Arts and Trades at Kalinga State University (KSU).
Ayon sa KPL Cordillera, ang pagdalaw sa prubinsya ni Co ay sinalubong ng Red-tagging, paninirang pampulitika, at mapanindak at mapanupil na presensya ng militar. “Layunin nitong bagbagin ang pagiging lehitimo ng alternatibong progresibong pulitika sa pamamagitan ng pag-atake sa mamamayan at mga organisasyong patuloy na nagbibigay-boses sa kahingian ng kabataan at iba pang mahihirap na sektor,” ayon sa grupo.
Tahasan ang presensya ng matataas na upisyal ng 103rd IB at Philippine National Police (PNP)-Kalinga ang sumalubong sa konsultahang kabataan at dayalogo sa KSU. Ayon sa salaysay ni Co, una siyang nagtungo sa upisina ng pangulo ng KSU para sa isang dayalogo kaugnay ng nalalapit na mga pagdinig para sa pambansang badyet.
Laking-gulat nila nang makitang nasa upisina rin ang naka-uniporme at armado na mahigit isang dosenang upisyal militar at pulis. Pagpapalusot ng mga ito, naroon sila para makipag-usap sa KSU para sa isang aktibidad ng blood-letting. Sa kabila ng taktikang intimidasyon ng militar at pulis, itinuloy ni Co ang dayalogo sa pangulo ng KSU. Napuna rin ng kinatawan ang ingay ng malakas na kwentuhan ng militar at pulis.
Sinabotahe rin nila ang konsultahang kabataan na isinagawa ng KPL pagkatapos ng pulong. Pumasok at nanatili ang mga pwersa ng estado sa kwarto kung saan nagtipon ang mga lider ng mga konseho ng mag-aaral at mamamahayag pangkampus para sa konsultasyon. Inasatan rin ng militar na dumalo sa pulong ang mga nakaunipormeng kadete at upisyal ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) bilang intimidasyon.
Ayon kay Co, ito ang unang pagkakataon niyang makadalo sa isang konsultahang kabataan na maraming hindi bahagi ng unibersidad ang nasa pulong. “Ginawa nilang katatawanan ang isang demokratikong dayalogo,” aniya.
Sa kabila nito, matapang na nagtalakay si Co at kasama niyang si Joaquin Buenaflor ng Youth Rage Against Corruption. Nabahagi sila ng mga pananaw kaugnay ng krisis sa edukasyon na dulot ng neoliberalismo, kaltas-badyet, at korapsyon at ang pagpapanagot sa mga kurakot kabilang ang nagaganap na impeachment laban kay bise presidente Sara Duterte. Ayon kay Co, pagakatapos ng konsultasyon ay pinasalamatan sila ng mga estudyante sa pagpapatuloy ng aktibidad sa kabila ng mapanindak na presensya ng militar at pulis.
“Masaya ako na nakausap ang mga estudyante at tagumpay pa rin na nakonsulta sila, pero napakalinaw na hindi naging malaya ang talakayan,” pahayag ni Co. Sinindak ng presensyang militar at pulis ang mga estudyante kung kaya hindi naipahayag ng mga ito ang kanilang tunay na hinaing at saloobin, aniya. “Lubha itong hindi katanggap-tanggap sa mga eskwelahan at unibersidad na mga sona ng akademikong kalayaan.”
Hindi pa nasapatan, naglabas ang 5th ID ng kasinungalingan na naging katuwang at kaisa nito ang KPL sa aktibidad para sa pagpapaunlad sa kabataan. Inilabas pa nito ang mapanlinlang na larawan kung saan kasama ni Co ang mga upisyal militar at pulis. Kitang-kita sa larawan ang pagiging asiwa at hindi komportable ng kinatawan ng KPL.
Kinundena ni Co ang pekeng pahayag na ito ng 5th ID. “Tahasan itong pananabotahe sa lehitimong aktibidad ng mga kabataan,” aniya. Iginiit ni Co mula sa 5th ID na tanggalin ang pahayag at agarang maglabas ng pampublikong paumanhin sa pananabote at pagpapakalat ng pekeng balita.
Dagdag ng KPL-Cordillera, dapat ding ilinaw na hindi kailanman makikipagtulungan ang KPL sa Armed Forces of the Philippines sa pagpapaunlad sa mga kabataan o anumang programa. Anang panrehiyong balangay, walang lugar ang militar at pulis sa partisipasyong pang-akademiko at demokratiko ng mg kabataan.
“Pinupuri namin ang mga estudyante ng Kalinga State University, pati na rin ang mga guro at administrador, na nagpasyang manatiling mapanuri at aktibong nakikilahok sa kabila ng hindi kinakailangang panggigipit,” ayon sa KPL-Cordillera. Ito umano ang uri ng pakikilahok na dapat protektahan ng mga demokratikong institusyon, at hindi dapat tinatakot. “Salamat sa inyong paninindigan at sa mainit na pagtanggap kay Renee Co at sa ating tim sa Kabataan!”
The post Panggigipit, pananabotahe ng militar sa konsultasyong kabataan ng KPL sa Kalinga, malawakang binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

