Nananawagan ang Water for the People Network (WPN) sa rehimeng Marcos na agad na tugunan ang malawakang kawalan ng tubig sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa kabila ng sunud-sunod na pag-ulan, maraming komunidad ang nananatiling walang tubig, anito. Sa mga lugar na may lumalabas na tubig sa gripo, kadalasan ay patak-patak lamang ito at iniulat na marumi.
Naghahain na ng mga reklamo laban sa palpak na serbisyo sa tubig ang mga komunidad, asosasyon ng mga homeowner, at maging mga negosyante mula sa La Union, Bacolod, Quezon, Dasmariñas, Bulacan, Metro Manila, at iba pang lugar. Nagreklamo rin ang mga residente ng Inarawan, Antipolo tungkol sa mga problema sa serbisyo ng Manila Water na pagmamay-ari ng burgesyang kumprador na si Enrique Razon. Nakaranas ng katulad na suliranin ang mga konsyumer sa Iloilo sa ilalim ng joint venture ng lokal na water district at Metro Pacific Iloilo Water.
Noong Agosto 13, nagsumite ng liham ang Water for the People Network-La Union kay Mario Ortega, gubernador ng prubinsya at sa Sangguniang panlalawigan upang manawagan ng Emergency Water Relief at agarang tulong para sa mga residente ng San Juan, San Fernando City, Bauang, Bacnotan, at San Gabriel. Mula pa Hulyo 25 hanggang sa kasalukyan, ay wala paring nakukuhang tubig ang mga residente mula sa PrimeWater. Sa ibang lugar, ilang taon na itong iniinda. Ang malala, dahil sa mga malakas na pag-ulan, ang mga natitirang pinagkukunan ng tubig tulad ng mababaw na balon, bukas na batis, naimbak na tubig, ay may panganib ng kontaminasyon matapos ang pagbaha. Dagdag na banta ito sa kalusugan ng mga pamilyang wala nang ibang mapagkukunan ng tubig.
Ayon sa WPN, hindi nabubura ng pagpapalit mula PrimeWater tungo sa Hiraya Water, sa ilalim ng pagmamay-ari ng burgesya kumprador na si Lucio Co, ang agarang pangangailangang tugunan ang matagal nang pagkukulang sa serbisyo. Ang mga pangakong rehabilitasyon at pagpapahusay sa imprastraktura sa hinaharap ay dapat samahan ng agarang pagkilos.
Mahigit isang taon na mula nang ipinag-utos ng Malacañang noong 2025 ang imbestigasyon sa malawakang mga reklamo laban sa serbisyo ng PrimeWater at pagsumite ng Local Water Utilities Administration (LWUA) sa mga natuklasan nito, ngunit hanggang ngayon patuloy pa ring inirereklamo ng mga konsyumer ang parehong mga pangunahing problema.
Nananawagan ang WPN sa gubyerno na tiyakin ang agarang suplay ng tubig sa mga komunidad na nakararanas ng hindi regular, marumi, at mahal na serbisyo ng tubig. Dapat ding atasan ang mga lokal na pamahalaan, water district, at kanilang mga pribadong katuwang na agad na maibalik ang tuluy-tuloy na suplay ng tubig.
Walang konsyumer ang dapat singilin para sa tubig na hindi dumadating sa kanila o sapilitang pagbayarin nang mahal para sa tubig na hindi maaasahan o hindi ligtas. Ang tubig ay isang pangunahing karapatan at mahalagang serbisyong pampubliko. Hindi dapat kailangang maghintay ang mga komunidad ng panibagong imbestigasyon, panibagong pagpapalit ng pangalan ng korporasyon, o panibagong pangako ng rehabilitasyon bago nila makuha ang tubig na kailangan nila ngayon, ayon sa WPN.
The post Krisis sa tubig, dapat agarang tugunan ng gubyernong Marcos—WPN appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

