Sumugod ang iba’t ibang tribu at grupo ng mga katutubo sa pambansang upisina ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Quezon City noong Agosto 14 para batikusin ang ahensya sa kainutilan nito at pagiging kontra-katutubo. Ang pagkilos, na pinangunahan ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at organisasyon ng mga Ayta ng Central Luzon na Mansaway, ay bahagi ng kanilang paggunita sa International Day of the World’s Indigenous Peoples noong Agosto 9.

Ayon sa kababaihang Bontok at pangkalahatang kalihim ng Katribu na si Funa-ay Claver, “tumatayong kasangkapan ng estado ang NCIP sa pagpapahintulot sa pagpasok ng mga nakapipinsalang proyekto sa mga lupang ninuno ng mga katutubo nang walang tunay Free, Prior, and Informed Consent o FPIC, na direktang lumalabag sa aming karapatan sa sariling pagpapasya.” Kaugnay ito ng pinakabagong FPIC Guidelines ng NCIP na nagpapabilis sa pang-aagaw at pandarambong sa mga lupang ninuno.

Binatikos rin ng Ayta-Magindi na si Rica Torres, koordineytor ng Mansaway, ang kainutilan ng NCIP na tulungan silang mga Ayta. “Magmula noong pumutok ang Bulkang Pinatubo noong 1991, pinutakte ng malalaking quarrying operations ang aming mga lupain, lalo na sa Tarlac, Pampanga, at Zambales. Ang lahar na siyang nagpalikas sa aming mga komunidad noon ang siya pa ring unti-unting nagpapalayas sa aming mga Ayta ngayon,” aniya.

Perwisyo rin sa kanila ang pagdami ng mga operasyong mina at proyektong renewable energy na itinatayo sa kanilang lupang ninuno. Kabilang sa mga proyektong ito ang Olongapo Solar Project 1 at 2 ng Aboitiz Power Renewable Energy Corporation, plantang solar ng Ayala Corporation, planong floating solar Power Project ng Aboitiz sa San Marcelino, Zambales. Pinakabago at pinakamalaking sasagasa sa lupang ninuno ng mga Ayta ang itatayong economic security zone sa Tarlac sa ilalim ng inisyatibang Pax Silica ng imperyalismong US. Inireklamo rin nila ang malubhang negatibong epekto ng mga war games ng US sa kanilang lupain katulad ng taunang Balikatan war games.

“Matagal nang inilako ng gubyerno ang aming lupang ninuno sa mga dayuhan at malalaking negosyante,” pahayag ni Torres. Dagdag niya, sa ganansya ng iilan at ng gubyerno ay napipinsala sila, nananatiling mahirap, gutom, at walang batayang serbisyo. “Malinaw pa sa tubig na ang mga proyektong ito ay nagsisilbi lamang sa dayuhang interes, hindi sa mga komunidad!”

Ayon sa Katribu, sa harap ng paglaban ng mga katutubo para sa kanilang karapatan ay nakararanas sila ng matinding pampulitikang panunupil mula sa rehimeng Marcos sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) na pangunahing ipinatutupad ng National Task Force-Elcac. Pinatindi umano nito ang militarisasyon sa teritoryo ng mga katutubo, pag-aresto, panghaharas, sapilitang pagpapabakwit, Red-taggng at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Sa huling tala ng Katribu noong Hunyo 26, hindi bababa sa 194 katutubong mamamayan, Moro, tagapagtaguyod ng karapatan ng mga katutubo ang mga bilanggong pulitikal na humaharap sa patung-patong at gawa-gawang mga kasong rkiminal. Panawagan nilang palayain sila at lahat ng iba pang bilanggong pulitikal sa bansa.

Para ipamalas ang kanilang galit sa NCIP, pinagsisibat ng mga katutubong mamamayan ang logo ng NCIP. Anang grupo, patuloy nilang palalakasin ang kanilang pagkakaisa laban sa imperyalistang pandarambong, militarisasyon at lahat ng klaseng pag-atake sa kanilang mga komunidad.

The post Kainutilan ng kontra-katutubong NCIP, kinundena sa protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.