Muling nagprotesta ang militanteng sentro sa paggawa na Kilusang Mayo Uno (KMU) at alyansang Unity for Wage Increase (UWIN) sa harap ng pambansang upisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Manila noong Agosto 14. Binatikos nila ang kagawaran sa pagpapalusot, pananahimik at pagprotekta sa interes ng mga kapitalista sa harap ng inilabas na preliminary writ of injunction ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 152 noong Agosto 13 na humaharang sa pagpapatupad ng baryang ₱85/araw na dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR).

“Galit na galit, suklam na suklam ang mga manggagawang Pilipino dito sa Department of Labor, sa Regional Trial Court ng Pasig, at kay Bongbong Marcos mismo!” pahayag ni Jerome Adonis, pambansang tagapangulo ng KMU, sa protesta. Aniya, harap-harapang ninakawan ng rehimen at ng mga kapitalista ang mga manggagawa sa pagpigil sa dagdag-sahod.

Ayon kay Adonis, walang kibo ang DOLE at walang sinasabi si Marcos sa harap ng mga hakbang ng malalaking negosyo sa mga manggagawang Pilipino. “Bakit? Sa totoong buhay, magkakasabwat sila laban sa atin. Nakikinabang sila sa bulok na sistema sa kasalukuyan,” aniya.

Ang pagkakaloob ng korte ng writ ay kasunod ng naunang suspensyon sa dagdag-sahod noong Hulyo 30-Agosto 13 sa bisa ng temporary restraining order (TRO) na inilabas nito. Nakatakdang ipatupad simula noong Hulyo 25 ang unang bahagi ng dagdag sahod na ₱60/araw na susundan ng ₱25/araw na dagdag sa Enero 2027.

Ang petisyon kontra sa dagdag-sahod ay inihain sa korte ng mga kumpanyang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc noong Hulyo 23. Sa pagdinig ng korte noong Hulyo 28, isinaad ng mga kumpanya na itinutulak nila ang suspensyon sa kadahilanan ng “pagbaba ng kita, sustenidong depisito, tanggalan ng mga manggagawa, posibleng pagtigil ng operasyon o pagsasara ng kumpanya.”

Iiral ang writ of injunction hanggang matapos ang mga pagdinig kaugnay ng kaso. Nagpataw ang korte ng ₱10 bilyong injunction bond sa mga petisyuner na anito ay kabayaran para sa “posibleng pinsala at pasakit” na idudulot ng writ sa mga manggagawa.

“Walang manggagawa ang dapat mawalan ng kahit isang sentimo dahil [sa suspensyon], palusot at turuan ng mga ahensya ng gubyerno,” pahayag ng KMU-NCR. Dagdag ng grupo, nakasusuklam na hinaharangan ito ng rehimeng Marcos kung kailan dapat itinataas ang sahod ng mga manggagawa sa harap ng matinding krisis.

Anang grupo, ipinakikita ng desisyon ng korte ang tunay na mukha ng rehimeng Marcos. “Kapag manggagawa ang humihingi ng dagdag-sahod, napakaraming hadlang; kapag kapitalista ang humihingi ng proteksyon, napakabilis ng serbisyo!” pahayag ng KMU-NCR.

Muli ring binatikos ng grupo ang bulok na sistema ng pagtatakda ng sahod sa bansa na ginagawa sa pamamagitan ng mga regional wage board. Mekanismo umano ito para panatilihing mababa ang sahod at hati-hatiin ang lakas ng manggagawa sa bawat rehiyon.

Iginiit nito ang pagbuwag sa ganitong sistema at itinulak ang pagsasakatuparan ng ₱1,200 family living wage sa bansa. “Mga manggagawa, lalo nating palakasin ang pagkakaisa at paglaban! Kung hindi ibibigay ang dapat sa atin, manggagawa mismo ang maniningil!”

The post Pagharang sa baryang ₱85 dagdag-sahod ng korte, pagnanakaw sa manggagawa—KMU appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.