Nakiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa paggunita sa ika-77 anibersaryo ng internasyunal na makataong batas (international humanitarian law, IHL) noong Agosto 12. Ang araw ng IHL ay ginugunita sa pagkakabuo sa Geneva Conventions, mga dokumentong gumagabay sa IHL, noong 1949.
Binubuo ang Geneva Conventions ng apat na internasyunal na tratado at tatlong karagadagang prokotol. Inilatag nito ang ligal na mga pamantayan sa makataong pakikitungo sa mga hindi kombatant sa gera at nagbibigay-proteksyon sa mga indibidwal na hindi o hindi na aktibong lumalahok sa mga armadong tunggalian.
Bilang paggunita sa araw ng IHL, muling pinagtibay ng PKP at BHB ang kahandaan nitong itaguyod ang “Deklarasyon ng Pagsunod sa Internasyunal na Makataong Batas” na inilabas ng National Democratic Front of the Philippines noong Agosto 15, 1991. Sa deklarasyon, idiniin ng NDFP ang boluntaryo nitong pagsunod sa Protokol II ng Geneva Conventions at IHL sa pangkalahatan.
“Sa pamamagitan ng pormal na deklarasyong ito, pinagtitibay ng NDF sa mamamayang Pilipino at sa internasyunal na komunidad ang pangako nitong magiging makatao ang tunggalian bilang bahagi ng matatag na pagkakamit sa isang makatarungan, pangmatagalan, at mapagpalayang kapayapaan sa Pilipinas,” saad ng dokumento.
Napagtibay muli ang kahandaan ng NDFP na tumalima sa IHL sa pagtutulak nito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) sa proseso ng pakikipag-usapang pangkapayapaan sa Gubyerno ng Pilipinas. Ang CARHRIHL ay pinirmahan ng mga kinatawan ng GRP at NDFP noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands.
Ayon kay Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, mahigpit na tumatalima sa naturang mga dokumento ang Partido at Hukbo sa pagsusulong ng armadong pakikibaka para sa pambansang paglaya mula sa imperyalismong US at para wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang pamumuno ng papet na mga naghaharing-uri. Bilang bahagi nito, tuluy-tuloy ang pag-aaral ng mga pwersa ng Partido at mandirigma ng BHB sa mga dokumento hinggil sa IHL.
Kasabay nito, binatikos ni Valbuena si Marcos at kanyang armadong pwersang sinusuportahan ng imperyalistang US sa mga paglabag nito sa karapatang-tao at IHL. “Isinasagawa nito ang pinakabrutal na mga porma ng pasistang panunupil laban sa masang manggagawa at magsasaka, bilang desperadong mga hakbang para panatilihin ang naghaharing sistema ng korapsyon at pang-aapi,” aniya.
Nagpahayag rin ng pakikiisa si Valbuena sa mamamayan ng buong daigdig sa pagkundena nila sa imperyalismong US at Zionistang Israel na naglulunsad ng henosiyo sa mamamayang Palestino na malinaw na mga krimen sa sangkatauhan.
The post PKP, BHB, nakiisa sa paggunita sa Araw ng IHL appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

