Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, nagmartsa tungong embahada ng US noong umaga ng Agosto 13 ang mga aktibista sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kasama ang iba pang organisasyon para tutulan ang nagpapatuloy na panghihimasok ng US sa bansa. Itinaon ang pagkilos sa paggunita ng makasaysayang “Mock Battle of Manila,” ang kunwaring labanan sa pagitan ng US at Spain noong Agosto 13, 1898.
Sa protesta, itinakwil ng mga raliyista ang tagibang na mga kasunduang militar at mga mapanlinlang na patakaran. Bitbit ang malaking balatengga na may nakasulat na “Philippines Not For Sale! Reject Pax Silica!” isinigaw ng mga nagpuprotesta ang pagbabasura sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at ang agad na pagpapalayas sa mga tropang Amerikano sa bansa. Panawagan din ng grupo ang pagpapatigil sa balak itayong Pax Silica hub sa New Clark City sa Tarlac at labanan ang pang-aagaw ng lupang ninuno sa mga katutubong Aeta.
Sa librong Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerero, inilarawan ang Mock Battle of Manila bilang “pagkakait sa mga pwersang rebolusyonaryong Pilipino ng tagumpay na sa katunayan ay karapat-dapat para sa kanila.” Bago ang kunwaring labanan, nasukol na ng rebolusyonaryong pwersa ang mga pwersang kolonyalista sa Intramuros. Lingid sa kanilang kaalaman, sikretong nagkasundo ang mga pwersang Espanyol at Amerikano para palabasin na “nagapi” ang mga kolonyalista ng isang Kanluraning pwersa, at hindi ng mga lokal na pwersang rebolusyonaryo.
Kaya noong Agosto 13, 1898, “sumuko” ang mga pwersang Espanyol sa mga tropang Amerikano matapos ang ilang simbolikong putok. Para isagawa ito, sadyang pinigilan ng mga imperyalistang Amerikano na makapasok ang mga kawal na Pilipino sa Intramuros. Lubos na ikinagalit ito ng mga Pilipino at sa kalaunan, ibinunsod nito ang gerang Pilipino-Amerikano.
The post “Mock Battle of Manila,” ginunita sa protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

