Dahil sa mataas na alerto, unang nakapagpaputok ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) laban sa tropa ng 8th ID na tumutugis sa kanila sa erya ng Karumanggan, Matuguinao, Samar noong Hulyo 30 ng tanghali. Sa layong 50 metros, pinaputukan ng yunit ang mga pasistang sundalo.
Tumagal nang mahigit 30 minuto ang palitan ng putok ng Pulang hukbo at tropang militar mula alas-12:35 ng tanghali. Ligtas na nakaatras ang yunit ng hukbo nang ala-1 ng hapon. Sa ulat ng BHBW-Western Samar, epektibo ang naging pagtutulungan ng yunit kumand para pamunuan ang hanay ng mga Pulang mandirigma sa pagkontra sa atake ng militar.
Malaking salik sa epektibong depensa ng pagiging handa ng napalabang yunit. Nasubaybayan ng yunit ang kilos at kalagayan ng kaaway sa pag-uulat ng masa at milisyang bayan sa erya. Nakatulong rin ang tuluy-tuloy na pagsasagawa ng pagpapatrolya sa perimetro at rekonaysans ng yunit.
Sa patuloy na pagtugis sa yunit ng BHB, nagpasabog ang militar ng hindi bababa sa pitong bala ng mortar at dalawang bala ng howitzer hanggang Agosto 3. Tumama ang mga ito sa mga lugar na sakop ng mga barangay ng Rizal at Inubod, at sa Gecbo-an, Silvino Lobos, Northern Samar. Kinumpirma ng BHB-Western Samar na malayo sa direksyon ng napalabang yunit nito ang pinasabugan ng militar.

Ang walang patumanggang panganganyon ng 8th ID ay nagdulot ng ligalig sa mga sibilyang residente dahil isinagawa ito ng hapon habang nagtatrabaho sila sa sakahan, at sa malalim na oras ng gabi habang sila ay natutulog. Bago pa man nito, noong gabi ng Hulyo 29 ay naitala na ang panganganyon ng militar mula sa sentro ng bayan sa kasagsagan ng masinsing operasyong kombat ng mga pasistang tropa. Labag ito sa internasyunal na makataong batas.
Pekeng deklarasyon ng “insurgency-free”
Mahigit isang buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang ideklarang “insurgency-free” ang bayan ng Matuguinao ng 8th ID at ng meyor nitong si Aran Boller. Ipinailalim ng militar ang bayan sa kategoryang Stable Internal Peace and Security (SIPS) noong Hunyo 8. Ayon kay Ka Tirado Dagohoy, tagapagsalita ng BHB-Western Samar, panibagong dagok ang kontra-atake ng BHB sa naturang deklarasyon.
“Malinaw na huwad at arbitraryo ang SIPS dahil tuluy-tuloy na binibigo ng BHB ang permanenteng panghahalihaw ng pasistang militar sa mga baryo, na naglalayong putulin ang ugnay ng masa sa hukbong bayan,” ayon pa kay Dagohoy. Naniniwala siyang walang ibang layunin ang deklarasyon kundi palatandaan ng paghahabol ni Boller na lalong buksan ang Matuguinao sa pandarambong at pagsasamantala ng mga kumprador at panginoong maylupa, sa likod ng tabing ng “kaunlaran” sa kapinsalaan ng masang magsasaka.
Aniya, ang nagpapatuloy na pag-abusong militar at pagsasamantala ng dayuhan at malalaking negosyo sa suporta ng lokal na gubyerno ang mismong mga dahilan kaya patuloy sinusuportahan masa ang BHB. “Batid nilang sa pamamagitan ng pambansa-demokratikong rebolusyon, maipaglalaban nila ang kanilang kabuhayan at karapatan laban sa mga nais na ipagkait ito sa kanila. Sa pagtindi ng pasismo ng militar, lalong lumalakas ang pagkakaisa ng mamamayan at BHB,” pahayag ni Dagohoy.
The post 8th ID, naunahan ng Pulang hukbo; pag-atake ng militar, nabigo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

