Kinundena ng militanteng sentro ng paggawa na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang paglalabas ng mandamyento de aresto laban sa tagapangulo nitong si Jerome Adonis at iba pang lider-manggagawa at organisador. Kabilang sa mga ginigipit sina Jacq Ruiz, tagapagsalita ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan, at organisador na si Joseph Mallari.

Inilabas ang mandamyento ni Judge Bernadette A. Eugenio-Tumacder ng Manila Metropolitan Trial Court kaugnay ng gawa-gawang kaso ng paglabag sa Article 153 ng Revised Penal Code o “tumults and other disturbances of public order.” Nakabase ang kaso sa ginanap na kilos-protesta noong Araw ng Paggawa noong Mayo 1.

Sa isang pahayag, binatikos ng KMU ang desisyon ng hukuman at binigyang-diin na walang isinagawang preliminary investigation para suriin ang katotohanan sa likod ng mga paratang. Inihayag ng grupo na ang kaparehong mga reklamo ay ibinasura na noon sa Office of the Prosecutor dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Ayon sa KMU, ang paglalabas ng mandamyento de aresto ay malinaw na bahagi ng patuloy na pagsikil at panggigipit ng pamahalaan sa karapatan ng mamamayan na magprotesta at malayang magpahayag.

Inihayag ni Adonis na sadyang itinapat ng rehimen ang paglalabas ng mandamyento sa panahong lumalakas ang panawagan at pagkilos ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod at regular na trabaho.

“Hindi mabubusalan ng gubyerno ang boses ng taumbayan. Walang ibang sagot sa pananakot ng gubyerno kundi tibayan ang ating loob, at ipagpatuloy ang ating protesta,” giit ni Adonis.

Idinagdag ng lider-manggagawa na makatwiran ang ipinaglalaban ng mamamayan para sa nakabubuhay na sahod, sapat na benepisyo, at demokratikong karapatan sa gitna ng matinding krisis sa ekonomya at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Nanawagan ang KMU at iba pang sektor na magkaisa at patuloy na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kapakanan sa kabila ng dumaraming banta at panggigipit sa mga organisador at lider-masa.

The post Mandamyento laban sa mga lider-manggagawa, bahagi ng pagsikil sa karapatang magprotesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.