Binatikos kamakailan ng iba’t ibang organisasyon sa pamamahayag, karapatang-tao, at mga tagapagtaguyod ng kapayapaan ang mga bayad na “pagbisita” at junket ng “Israel” para sa mga mamamahayag at influencer mula sa Pilipinas at iba pang bansa. Anila, ang mga ito ay bahagi ng kalkuladong opensiba sa public relations (PR) para pabanguhin ang brutal na henosidyo at pambobomba ng Zionistang Israel sa Palestine. Nagkakaisa silang ang pagtanggap sa pondo at ‘tour’ ng isang pamahalaang akusado ng genocidal warfare ay tuwirang pagpapakalat ng kasinungalingan at pagtatakip sa karahasan.

Ipinanawagan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga mamamahayag at organisasyon ng midya sa bansa na hayag na tanggihan ang mga paanyaya na pinondohan ng mga rehimeng nakasuhan ng malubhang paglabag sa international humanitarian law.

“Ang pagtanggap ng mga sponsored trip mula sa mga bansang pinaiimbestigahan sa henosidyo ay tuwirang di-etikal,” pahayag ng pambansang upisina ng NUJP. Binigyang-diin nito na ang pagbibigay ng espasyo upang bigyang-dahilan ang paglabag sa batas ng digma ay salungat sa mga batayang prinsipyo ng hustisya at pagiging makatao sa pamamahayag.

Binigyang-diin din ng beteranang mamamahayag na si Inday Espina-Varona na ang ganitong mga “junket” ay pampulitikang maniobra ng rehimeng Zionist upang manipulahin ang pampublikong opinyon sa harap ng pandaigdigang pambabatikos.

“Sa panahong patuloy ang henosidyo at walang katulad na krisis sa sangkatauhan sa Palestine, ang diplomatikong atake na ito ng Israel sa Pilipinas ay hindi hiwalay na kaganapan,” ayon naman sa Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA) sa inilabas nitong pahayag noong Agosto 8. “Bahagi ito ng mas malawak na kultural at intelektwal na complicity, kung saan ang mga institusyon sa Pilipinas, kabilang ang dominanteng midya, ay nagiging kasangkapan sa gawing normal ng pakikipag-ugnayan sa isang rehimeng napatunayang nanggahasa at pumatay ng libu-libong mamamayan.”

Pagkakasangkot sa henosidyo

Inuugnay ng mga grupong tulad ng Karapatan at Amnesty International Philippines ang propaganda ng Israel sa lumalalim na ugnayang militar ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. sa estado ng Israel.

Milyun-milyong halaga ng armas at kagamitang militar ang patuloy na binibili ng rehimeng Marcos mula sa Israel. Kabilang ang mga SPYDER missile system, Hermes 900 drone, at Fast Attack Interdiction Craft-Missile (FAIC-M) mula sa Elbit Systems at Israel Shipyards.

Ayon sa mga grupo, ang mismong mga kagamitang militar na ito na subok sa pagpatay at pag-okupa sa mamamayang Palestino ay siya ring ginagamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbobomba at militarisasyon sa mga kanayunan at komunidad sa Pilipinas. Sa pagiging isa sa mga pangunahing mamimili ng armas ng Israel sa Asia, itinataguyod ng rehimeng Marcos ang makinarya ng digma ng Israel habang pinatitindi ang pasismo sa loob ng bansa.

Makinarya ng propaganda

Noong 2025, nalantad sa mga rekord ng Foreign Agents Registration Act (FARA) sa US Department of Justice ang Esther Project, isang malaking operasyong disimpormasyon ng Israeli Ministry of Diaspora Affairs at Ministry of Foreign Affairs. Sa ilalim ng proyektong ito, naglaan ang gubyerno ng Israel ng hanggang $900,000 pambayad sa humigit-kumulang 14 hanggang 18 na influencer para mag-post ng mga positibong mensahe at “kontrahin” ang napakarumi at madugong imahe ng Israel sa mundo, lalo sa loob ng US. Napag-alamang binabayaran ng Israel ang mga influencer na ito nang hanggang $7,000 bawat post para magkalat ng pro-Israel na nilalaman sa TikTok, Instagram, X (Twitter), at YouTube.

Ayon sa isang ulat ng Columbia Journalism Review (CJR) noon ding 2025, malayang pinapasok ng Israel ang mga maka-Israel na influencer sa kontroladong mga lugar sa inokupang teritoryo nito para kumuha ng mga larawan at ikalat ang naratibo ng Zionismo. Ito ay habang nakasara at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng malayang pandaigdigang mga mamamahayag sa Gaza—at habang mahigit 300 lokal na mamamahayag at Palestinong mamamahayag ang sadyang pinaslang at pinagbabantaan ng Israel Defense Forces.

The post Mga bayad na “pagbisita” ng midya sa Israel, pagpapabango sa henosidyo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.