Humigit-kumulang 600 katutubong Ayta mula sa iba’t ibang komunidad sa Central Luzon ang nagtipon sa San Marcelino, Zambales noong Agosto 10 upang gunitain ang Ayta Day 2026. Isinagawa ang pagtitipon bilang paggunita din sa International Day of the World’s Indigenous Peoples (IDWIP), na ipinagdiriwang tuwing Agosto 9.
Sa temang “Ka allwan nin pamilalamu ni aw Ka Aytahan” (Araw ng Pagkakaisa ng mga Ka Aytahan), pinag-isa ng pagdiriwang ang mahigit sampung komunidad ng Ayta mula sa Zambales at Pampanga. Inorganisa ang aktibidad ng Mansaway, isang lokal na organisasyon ng mga Ayta, kasama ang PAMILALAMU-Church, Ayta Partnership ng Central Luzon, at KATRIBU Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipina
Samantala, humigit-kumulang 200 delegado mula sa mga organisasyon ng mga katutubo, tagapagtanggol ng karapatang pantao, mga grupo ng simbahan, at iba pang kaalyado ang nakilahok sa aktibidad bilang pakikiisa.
Unang inilunsad ang Ayta Day noong 2011 sa Porac, Pampanga, upang buklurin komunidad ng Ayta at kanilang mga kaalyado mula sa mga komunidad, mga taong-simbahan, akademya, mga grupong nagsusulong ng adbokasiya, at iba pang organisasyon mula sa rehiyon at Maynila at matuto mula sa mga pakikibaka ng isa’t isa at palakasin ang pagtatanggol sa mga lupaing ninuno.
Sa loob ng maraming dekada, nakaranas ang mga komunidad ng Ayta ng sapilitang pagpapalikas at pangangamkam ng lupa dahil sa mga mapagsamantalang proyekto at proyektong pang-enerhiya. Kabilang sa mga proyektong tinututulan ng mga komunidad ang Olongapo Solar Power Project, ang iminungkahing floating solar project sa Lake Mapanuepe, ang Gigasol project sa Botolan, at ang planong wind energy project sa mga bahagi ng Bataan at Zambales.
Ang pagtitipon
Sinimulan ang programa sa mga kultural na pagtatanghal mula sa mga komunidad ng Ayta. Nakapaloob sa kanilang mga pagtatanghal ang mga panawagan na ipagtanggol ang kanilang mga lupain, kabuhayan, at kultura laban sa patuloy na pag-atake ng mga korporasyon at ng estado.
“Ang pagkakaisa at mariing pagtutol ng mga Ayta sa mga mapanirang proyekto ay inspirasyon sa buong sambayanang Pilipino na patuloy na lumaban, manindigan, at palakasin ang sama-samang paggiit ng ating mga karapatan,” paliwanag ni Funa-ay Claver, pangkalahatang kalihim ng KATRIBU.
Sa programa, isiniwalat ang panghihimasok ng mga dayuhang kompanya at ang mga planong pagtatayo ng dam sa mga bayan ng Porac at Floridablanca sa Pampanga. May mga inilalatag ding plano para sa pagtatayo ng mga pabahay at kalsada sa Barangay San Ramon. Ayon sa mga residente, walang maayos na konsultasyon hinggil sa mga proyektong ito at lalo lamang tumitindi ang militarisasyon.
Tinalakay din ang Pax Silica at ang epekto nito sa kabuhayan at tirahan ng mga Ayta. Iginiit ng mga taga-San Marcelino na mababa ang presyong ibinibigay sa kanilang mga pananim dahil sa pagkasira ng lupa at sa epekto ng krisis sa klima. Madalas ding natutupok ang kanilang mga kabahayan na malapit sa Mt. Bagang.
Sinundan ang programa ng mga kultural na pagtatanghal ng mga Ayta mula sa iba’t ibang sityo. Kasabay rin nilang nakilahok sa pagdiriwang ang iba pang mga katutubong grupo, gaya ng mga Igorot sa Cordillera at Lumad sa Mindanao, na nakararanas din ng sapilitang pagpapalikas at militarisasyon sa kanilang mga lugar.
Nagtapos ang pagtitipon sa isang deklarasyon ng pagkakaisa ng Mansaway, Pamilalamu, at ng iba pang delegado upang isulong ang pagtatanggol sa mga ninunong lupain, karapatan, kultura, at sariling pagpapasya ng mga Ayta.
The post Araw ng mga Ayta, inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

